PINAKAKASUHAN ng Ombudsman ang 15 dati at 3 kasalukuyang opisyales ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) dahil sa iligal na pagpabor sa Harbour Center Port Terminal, Inc. (HCPTI) bilang operator ng mga pantalan ng Naval Supply Depot (NSD) sa Subic Bay Freeport.
Ito Ang Totoo: binigyan na ng SBMA ng abiso ang tatlo, sina Stefani SaƱo, Ramon Agregado at Marcelino Sanqui para ibakante ang kanilang mga opisina pati na ang tinutuluyang bahay sa Freeport sa loob ng limang araw bilang pagtalima sa desisyon ng Ombudsman.
Paglabag sa Anti-Graft & Corrupt Practices Act ang kinahaharap na kaso ng 18 sa P6B joint venture na pinasok nila sa pamumuno nina noo’y SBMA Administrator Armand Arreza at Chairman Feliciano Salonga.
Ano naman kaya ang masasabi ng Ombudsman sa pinasok na kontrata nina Arreza, sa ngalan ng SBMA, at Global Terminals and Development, Inc. (Global)?
Kung maanomalya ang P6B joint venture ng SBMA sa HCPTI, ano ang tawag sa P1M/month na upa ng Global, na pag-aari umano ng isang Rose Baldeo, sa 18 ektaryang Ship Repair Facility (SRF) ng Freeport?
Halos ipinamigay na nina Arreza sa Global ang SRF sa lumalabas na P5 kada metro kuwadrado lang kada buwan na upa pero hindi pa nakuntento si Baldeo, naglagay pa ito ng tollgate kung saan nakasakay o naglalakad man ang pumapasok, manggagawa o negosyante o kahit mga bisita at mga estudyante, pinagbabayad ni Baldeo ng toll fee.
Ito Ang Totoo: sa harap ng desisyon ng Ombudsman sa kaso ng HCPTI, dapat na ring seryosohin ng kasalukuyang SBMA administration ang pagbusisi sa kontrata ng Global.
Kung hihintayin pa ang pormal na reklamo at resulta sa Ombudsman, baka lumabas na kinukunsinte ng kasalukuyang administrasyon ang anomalya, kung meron man.
Para hindi mapagbintangang nakikipagsabwatan, kailangang kumilos ang SBMA board sa pangunguna ni Chairman Roberto V. Garcia. Ngayon na! Ito Ang Totoo!.
The post P5/SQM. NG GLOBAL, MAS GRABE SA HCPTI appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment