UMALIS na ng bansa ang itinuturing na pinakamakapangyarihang tao sa balat ng lupa na si Pareng Barack – ang pangulo ng Estados Unidos.
Gaya nang inaasahan ay sinalubong ito ng mga makikitid ang utak o mga militante na ang kaya lamang batikusin ay ang mga Amerikano – pati yata pag-utot ng Amerika ay binabatikos.
Baka naman sabihin ninyo, e, nawala na ang aking pagiging makabayan sa punto na ito pero ang dapat ay mamuhay tayo sa reyalidad na kailangan ng Pinas ng mga kaalyado gaya ng Amerika.
Tutol naman tayo sa anomang uri ng pananakop sa ating Inang Bayan subalit sa katayuan natin ngayon lalo na sa nambabarakong Tsina ay marapat lamang na sumandal tayo sa pader.
Ano ba ang reyalidad? Ang reyalidad ay nagsasabi sa wikang Ingles na ‘no man is an island’ o walang sinoman ang puwedeng mabuhay sa mundong ito na mag-isa.
Ang pagkakaroon ng kaalyado ay ‘di nangangahulugan na nagpasakop na tayo kay Pareng Barack kundi isang kasunduan kung saan ang interes ng dalawa – Pinas at Amerika ay napagbibigyan.
Hindi lamang naman base-militar ang pakay ni Pareng Barack sa Pinas kundi lalong higit ang ating ekonomiya na nagsisilbing palengke upang ibenta ang mga produkto ng Kano.
Sa atin naman, malaking bagay na makita ng ibang bansa lalo ng ogag na Tsina na aktibo ang ating alyansa kay Pareng Barack lalo na usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ano pa ba ang ibang reyalidad? Ang reyalidad na nagsasabi o nagpapakita na ang Pinas ay isang mahina at mahirap na bansa na kailangan ang suporta ng mga dambuhalang bansa gaya ng Amerika para umunlad.
Kailangan natin ang mga katulad ni Pareng Barack upang masiguro na magkakaroon tayo ng boses sa tinatawag na International Community upang isulong ang interes ng ating bansa.
Bagaman may punto ang mga militante pero natitiyak kong ang kanilang mga panawagan ay pulos ideyalidad na malayo sa katotohanan na nangyayari sa buong mundo.
Ang totoo ay ganito! May mga dambuhalang bansa sa mundo gaya ng kay Pareng Barack ang nakikipag-alyansa sa mga tinatawag na ‘developing countries’ tulad na Pinas.
Kanya-kanyang interes lang ‘yan. ‘Yan ang totoo!
***
Para sa komento o suhestyon: 09237397381
The post PAALAM, PARENG BARACK appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment