NIRATRAT ng awtomatikong baril si Chief Inspector Elmer Santiago, intelligence officer ng Philippine National Police, sa isang lugar sa Mandaluyong City noong Miyerkules Santo at namatay siya noon din.
Ito’y makaraang makipagkita ito sa isa niyang opisyal at humiling ng tulong para suportahan siya sa kampanya laban sa malawak na droga sa Metro Manila at Central Luzon.
Mga pulis ba ang pumatay sa kanya?
Ito ang tanong at lilitaw lang ang katotohanan sa araw na may lalantad na magtestigo pabor sa kanya.
DIAGRAM SA DROGA
MAGALING sa pagsunod sa mga yapak ng mga sangkot sa droga si Major Santiago.
Nagawa nitong tuntunin ang pinagmumulan ng droga na kumakalat sa Metro Manila hanggang sa lalawigan ng Zambales at Bataan.
Nagawa rin nitong amuyin ang mga pulis na sangkot o protektor ng droga.
Gayundin ang mga drug lord at pusher.
At ito ang kanyang iginuhit saka isinumite sa Camp Crame, ayon sa nakaaalam sa ginawa ni Santiago noong nabubuhay pa siya.
6 KERNEL, 23 PULIS
SA kanyang diagram, nagmula ang droga o utak nito sa Muntinlupa City, sa National Bilibid Prisons, lalo na.
Ibig-sabihin, may nakakulong na malaking drug lord at kahit ito nakakulong, nakapag-o-operate pa rin ito ng sindikato mula sa kanyang selda hanggang sa nasabing mga lalawigan.
At nagiging matagumpay ang pagdaloy ng droga dahil sa pagdaan nito sa kamay ng anim na kernel at 23 pulis.
Sakop ng mga pulis na ito ang Subic-Olongapo area at nasa anim na bayan ng Bataan.
Kaya naman gayon na lang kung bakit hindi masugpo-sugpo ang droga sa mga lugar na ito, kabilang na syempre sa ilang lugar sa Metro Manila.
SUSPENDIDO
MAY mga ulat na nagsasabing suspendido at iniimbestigahan na ang ilan sa mga isinangkot sa droga ni Santiago.
Ang tanong: hanggang kanino ang imbestigasyon at saan patutungo ang imbestigasyon?
Mayroon na bang nakakulong sa mga ito at mayroon bang huhugasan ng kamay ang mga awtoridad?
‘Yun bang === mayroon bang ililibre sa kaso ng mga awtoridad?
DRUG LORD AT MGA PUSHER
NASAAN din ang mga druglord at pusher?
Mayroon na bang dinampot sa mga ito upang mapasama sa mga dapat na managot sa naglipanang droga sa Metro Manila o Bilibid at sa Zambales at Bataan?
Tila tahimik ang pulisya sa usaping ito. O baka naman magugulat na lang tayo kung may maglipana ring mga bangkay na itatapon kung saan-saan.
Sapagkat kung kinatay si Santiago ng mga pulis o galamay ng mga drug lord, sino ang makatitiyak na mabubuhay nang matagal ang mga bossing at bata ng mga pulis na sangkot sa droga.
Ang kamatayan o salvaging ang karaniwang ultimate solution para makapaghugas ng kamay ang mga sangkot na pulis at drug lord sa kanilang iligal na gawain, mga Bro.
Anak ng tokwa, PNP chief, Director General Alan Purisima, paano ito, huh?
MALABONG MGA SAGOT
KUNG magkaroon ba ng engkuwentrong militar ang Pilipinas at Tsina, sasaklolohan ba ni President Barack Obama ang mahal kong Pinas?
Ito ang isang mahalagang tanong sa pagpunta ni Obama sa Pinas.
Ang sagot, eh, parang katumbas ng sinabi ni Mar Roxas sa mga biktima ni bagyong Yolanda noon.
Bahala kayo sa buhay ninyo dahil ang gusto namin ay mapayapang paglutas sa mga problema.
Ang suporta lang sa kasong isinampa ng Pinas ukol sa territorial claims sa West Philippine Sea sa United Nations ang malinaw na sagot ni Obama.
ARMAS AT TRAINING LANG
PAGBIBIGAY lang ng armas at training sa paggamit ng mga ito ang isa ring malinaw na sagot.
Napakalinaw rin ng sinabi ni Obama na wala itong intensyon na harangin ang maniobra ng Tsina sa West Philippine Sea at hindi lang magandang tingnan kung gagamit ang Tsina ng pananakot. Sapagkat sobrang malaki umano ang kalakalan at samahan ng Tsino at mga Kano.
Kaya malabo talaga ang pag-asa ng Pinas na tulungan siya ni Uncle Sam sa giyera.
Pumiyok tuloy si PNoy sa pagsasabing mas gusto nitong umunlad ang Pilipinas kaysa sumabak sa giyera para lang ipagtanggol ang ilang tipak ng bato sa West Philippine Sea na hindi matirhan ng tao.
MAGPATULONG SA MGA SANTO
DAHIL sa malabong usapin sa seguridad at proteksyon ng Pinas mula sa mga Kano sa sigalot sa West Philippine Sea, pinakamabuti siguro na tumakbo na lang tayo sa mga bagong santo at kay Pope Francis.
Baka naman pakinggan ng mga santong sina Pope John XXIII at Pope John Paul II ang dasal natin na ipagtanggol ang Pilipinas sakaling magkaroon ng giyera sa West Philippine Sea.
Maganda ring magpatulong tayo kay Pope Francis o Papa Kiko para sa ating pag-unlad.
Dahil payag pala si Papa Kiko na gapusin ang mga korap at ihagis sa gitna ng karagatan.
Ang mga korap ang dahilan ng hindi pag-unlad ng Pilipinas at napakarami ang mga ito kahit pagbatayan lang ang listahan ng mga mandurugas na ikinanta ng mga Napoles kina Justice Secretary Leila de Lima at ex-Senator Ping Lacson.
Ito na rin ang mga dahilan kung bakit wala tayong fighter jet at iba pang armas na gamit sa pagtatanggol ng ating mga teritoryo mula sa pang-aagaw ng iba.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post 6 KERNEL, 23 PULIS SA DROGA AT LUMAPIT SA MGA SANTO appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment