ANG sabi ni Janet Lim-Napoles, bakit daw matatakot ang mga mambabatas sa kanyang listahan kung wala naman silang kasalanan.
Naging laman ng usap-usapan ang sinasabing listahan ni Napoles magmula nang nag-request siya kay Secretary Leila de Lima ng Department of Justice na maging state witness na lang at kanya raw isisiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam kung saan siya ang itinuturing na mastermind.
May listahan pa raw siya ng mga sangkot sa nasabing isyu o iskandalo.
Marami raw ang nagalit sa mga pahayag na ito ni Napoles, marami rin ang humamon sa akusado na ilabas na at ilantad ang kanyang ipinagmamalaking listahan.
Kaya nga ang sagot ni Napoles ay huwag matakot ang walang kasalanan.
Pero ang hamon ng ilan, takot nga ba ang isyu rito o para na rin lang magkabukuhan na at masolusyonan na ang problemang ito at para hindi na lahat na lang ng tao ay parang naghihintay na lang sa mga sa sabihin ni Napoles.
Sikat na sikat na siya pero sa tinagal-tagal na ng panahon na pinag-uusapan ito ay wala pa ring malinaw na direksyon.
Ang masamang epekto ng pabitin-bitin na pagpapalabas ng sinasabing listahan ay napagdududahan ang lahat ng mambabatas at maging ang mga walang kasalanan ay hindi maka-move on.
Halimbawa, may kakilala ako na lagi na lang kasama sa mga sinasabing sangkot daw pero hindi naman.
Wala lamang magawa ang aking kakilala kundi maghintay, na sana ay mailantad na ang mga may kasalanan sa bayan at malinis na ang reputasyon ng mga inosente.
Hindi nga ba’t ito rin ang panawagan ni Congressman Ronaldo Zamora, minority leader at congressman ng San Juan – lahat kasi ay napagdududahan.
Sa mga salita ni Zamora – everybody is painted with the same strokes.
Hangga’t hindi nailalabas ang ipinananakot na listahan, lahat ay suspek at hindi maganda ito para sa bayan.
Natutuwa ang marami at natimbog si Napoles at dahan-dahan ay isinisiwalat ang kanyang mga kakuntsaba pero hindi na rin maganda na ang tagal ng suspense.
Ilabas na ang listahan para matapos na ang isyung ito.
The post TAKOT? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment