Tuesday, April 29, 2014

ISANG SENADOR LANG ANG TUMINDIG SA SWINDLERS’ LIST

_benny antiporda ANO na ang nangyayari sa Senado ukol sa listahan ng mga mandurugas o Swindlers’ List sa Priority Development Assistance Fund at Malampaya Fund na nasa P11 bilyon sa kabuuan?


Isang senador pa lamang ang nananawagan na dapat i-subpoena ng Senate blue ribbon committee ang listahan na hawak ni Department of Justice Leila de Lima.


Pero malabnaw pa yata ang paninindigan ni Sen. Serge Osmeña dahil daraanin pa sa caucus kung isu-subpoena at ilalabas ang listahan o hindi.


Eh, kung hindi nila isu-subpoena at ilalabas ang listahan, ano sa palagay ninyo ang nangyayari at katotohanan, mga Bro?


TAHIMIK DIN SA KAMARA


ITONG mga mambabatas sa Kamara ay tahimik din, sobrang tahimik.


At pati si ex-Senator Ping Lacson ay gusto ring patahimikin dahil may listahan din ito na hawak mula sa dyowa ni Janet na si Jimmy Napoles.


Mayroon pa ngang “Hello, Jean o Janet” sa papel na hawak ni Lacson. ‘Yang Hello, Jean o Janet” na ‘yan, mga Bro, ay katumbas ng “Hello, Garci” noong panahon ni Aling Gloria.


Kung pandurugas sa halalang 2004 ang konek ng Hello, Garci, pandurugas naman sa PDAF at Malampaya Fund ang sa Hello, Jean o Janet.


DENIAL KINGS, DENIAL QUEENS


HINDI lang sa mundo ng mga taga-showbiz matatagpuan ang mga denial king at queen ukol sa mga intriga.


Mas marami at puno ng mga hari at reyna ng denial ang Kamara at Senado ukol sa P11 bilyong iskam.


May 24 na senador at nakararami sa mga ito ang nagsasabing wala sila sa listahan. Mahigit 250 naman ang mga kongresman at nakabibinging katahimikan ang maririnig sa mga ito ukol sa pandurugas sa kaban ng bayan.


Ang katahimikan ng mga ito, eh, hindi pag-amin kundi pagtatwa na sila’y mandurugas din.


PALASYO RIN


PERO hindi lang sa Kongreso may mga denial king. Pati ang mga nasa Palasyo ay panay tanggi rin sa pagkakasangkot sa iskam.


May dalawang matagal nang suspek sa iskam pero panay deny rin sila sa pagkakasangkot.


Sobrang tahimik din ngayon ng Palasyo ukol sa Swindlers’ List at hindi ito nariringgan na isulong ang pagbubukas ng listahan sa publiko. Bakit?


DAGDAG-BAWAS


HABANG nagtatagal ang pagtatago ng Swindlers’ List ni De Lima, marami ang nangangamba na daraan ito sa dagdag-bawas.


Sabi ni Sen. Serge, hindi pupuwedeng dagdagan-bawasan ang listahan, pero sino ang may sabing hindi?


Alalahanin na hawak ng Palasyo si Napoles at parang may tawaran kung gagawin itong isang whistleblower.


Paano kung kapalit ng pagiging whistleblower, eh, masibak sa listahan ang mga dapat na masama, kasama na ang may mas malalaking dugas kumpara sa ipinagdiriinang dinugas ng tatlong senador na pinagbibintangan ngayon?


MATIBAY NA EBIDENSYA


LAHAT ngayon ng mga nagdadaldal na senador at kongresman, kasama na ang mga taga-Palasyo, na kailangan ang matitibay na ebidensya laban sa mga nadadawit sa Swindlers’List. ‘Yun bang === kailangan na may maipakitang dokumento si Napoles.


Pero paano kung hawak ng mga sangkot ang mga dokumento dahil nakaupo naman sila sa pamahalaan? At ang pananatili nila sa puwesto ay ginagamit na para “sunugin” ang mga ebidensya!


Isa pa, paano kung sa pamamagitan ng testimonya ay maidedetalye ni Napoles kung paano siya nagpamigay ng salapi sa mga senador, kongresman at taga-Palasyo? Hindi ba pupuwedeng maituring ang testimonial evidence bilang matibay na ebidensya?


ILABAS NA


DAHIL bantulot ang Kongreso at Palasyo na ilabas ang Swindlers’ List, mga Bro, dapat na ilabas na ito, now na.


Kung malinis ang mga nasa listahan, patunayan nila ang kanilang pagiging inosente at kawalan ng kasalanan sa harap ng bayan.


Ngayon nila gawin ang kabaliktaran ng kanilang ginagawa na pagpipilit na magmukhang guilty na ang kanilang mga kalaban sa halalang 2016 kahit hindi pa sumasalang ang mga ito sa paglilitis sa hukuman.


Itong mga denial king at queen ay napakagagaling na magkalkal ng mga ebidensya laban sa kanilang mga kalaban ngunit ngayon na nasa listahan sila, ayaw nilang magkalkal ng sarili nilang baho at umamin na sila’y kasimbaho ng kanilang mga inaakusahan ng pandurugas sa bayan.


MISTERYO NG FOI


DAHIL sa Swindlers List, lalong tumingkad, mga Bro, ang ating laban para sa pagkakaroon ng batas na magbibigay sa mamamayan ng karapatan na umalam at makialam sa mga transakyon ng gobyerno at ng mga opisyal at tauhan nito.


Matagal na nating tinatawag ang batas na Freedom of Information o malayang impormasyon.


Dahil sa kawalan ng FOI at kawalan ng interes ng mismong pamahalaan, kabilang na ang Kongreso, sa pagpapasa ng batas nito, heto ngayon ang pinaggagawa ng DoJ na itago ang Swindlers’ List.


Malayang nagagawa ng pamahalaan na ipagkait ang impormasyon sa mga mamamayan, kahit pa ang mga kabulukan na kinasasangkutan ng mga opisyal at tauhan ng bayan.


At dito nagiging maliwanag ang misteryo ng FOI: ang kawalan nito bilang batas ay pagbibigay-kapangyarihan sa mga mandurugas na magpatuloy sa kanilang pandurugas at pang-aabuso sa kaban ng bayan at kapangyarihan at kakambal nito ang paglapastangan sa karapatan ng mamamayan na umalam at makialam sa mga transaksyon sa pamahalaan.


oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.


The post ISANG SENADOR LANG ANG TUMINDIG SA SWINDLERS’ LIST appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



ISANG SENADOR LANG ANG TUMINDIG SA SWINDLERS’ LIST


No comments:

Post a Comment