Thursday, April 3, 2014

Araneta Bus Terminal binulaga ng LTO

BINULAGA ng Land Transportation Office (LTO) ang Araneta Center Bus Terminal sa Cubao, Quezon City kaninang umaga, Abril 3.


Pero sa kabila nito, kakaunting mga pampasaherong bus lamang ang inabutan ng mga tauhan ng ahensya.


Pumasa naman sa inspeksyon ng LTO ang ilang naabutang bus at pinayagang makabiyahe.


Hindi naman pinaalis ang isang bus ng Peñafrancia Tours and Travel Transport, Inc. na halos puno na ng pasahero pa-Bicol dahil sa mga kalbong gulong. Inilipat na lang sa ibang unit ng bus na ayos pa ang mga gulong ang mga pasahero para makabiyahe.


Hinala naman ni Mohammad Yusoph Lamping, direktor ng LTO Law Enforcement Division, na posibleng nakatunog ang mga bus driver kaya kaunti lang ang naabutan nila.


Maaari aniyang umalis ng mas maaga o kaya’y hindi muna tumuloy sa terminal ang mga bus driver upang hindi mainspeksyon.


Tiniyak nitong babalik-balikan nila ang terminal hanggang matiyempuhan ang mga bus na target nila mainspeksyon.


Nakiusap naman ito sa mga bus operator na makipagtulungan sa kanilang tanggapan para masiguro ang kaligtasan ng mga bibyahe lalo na sa Semana Santa.


Ayon kay Lamping, kapag nakitaan ng hanggang dalawang paglabag ang isang bus, ipahihinto na ang pagpasada nito.


Papayagan lang muli itong makabiyahe kapag naaksyonan na ang nilabag nito.


Maaaring magmulta ang mga lumabag ng mula P500 hanggang P6,000 depende sa bigat ng kanilang paglabag.


The post Araneta Bus Terminal binulaga ng LTO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



Araneta Bus Terminal binulaga ng LTO


No comments:

Post a Comment