NOONG nakaraang Sabado, naipit na naman ako ng bwisit na trapiko.
Mula Banawe sa Quezon City hanggang ako’y makarating sa Caloocan, halos tatlong oras akong nagtiis sa kalsada.
Sa araw-araw na ginawa ng Maykapal, hindi maitatatwa ang katotohanang napakalaki ang problema sa trapiko sa kasalukuyan.
Kumikilos naman ang MMDA at mga LGU para maresolba ang problema sa trapiko, pero, tila waepek ang kanilang pagpapakahirap. Habang lumilipas ang araw ay lalong sumasama ang problema ng trapiko.
Nakatatakot isipin na dahil sa ‘enormous’ traffic problem’ na kinakaharap ng bansa ay mawawalan ng silbi ang sasakyan.
Posibleng mangyari ang sapantaha nating ito dahil kung maiipit ka lang naman sa trapiko, bakit ka pa gagamit ng sasakyan? At kung hindi na magagamit ang sasakyan, ano ang mangyayari sa ekonomiya ng bansa?
Siguradong lagapak ang buhay ni Mang Juan.
Dahil sa problema ng trapiko, nararapat nang mag-isip ang mga kinauukulan, kumilos na para masolusyonan ito.
Marahil, napapanahon na magsagawa ng traffic summit para mapag-usapan ang mga kailangang hakbangin para sa ikalulutas ng traffic woes. At kung isasagawa ang traffic summit, kailangan ay ngayon na, dahil kung ipagpapaliban pa ito, baka lamunin na tayo ng problema ng trapiko.
PABAHAY NG NHA
Nagkaroon ako ng pagkakataong mabisita ang mga pabahay sa San Jose del Monte at Pulilan sa lalawigan ng Bulacan.
Maswerte ang mga ISF na nabigyan na ng units dahil maganda at maayos ang lugar na pabahay.
Malayo sa badya ng delikadong panahon, hindi mangangamba ang mga mabibigyan ng unit sa kanilang seguridad.
Ang pabahay area ay mataas na malayong makaranas ng baha na kinatatakutan kapag dumarating ang tag-bagyo.
Ang tanging idinaraing ng mga nakatira rito ay ang kakulangan ng hanapbuhay.
Magkagayunman, sila’y masaya na dahil nakasisiguro na sila sa kanilang seguridad kapag dumating ang kalamidad.
Kunsabagay, madaling makadiskarte ng ikabubuhay, kaysa naman masira ang kanilang ulo sa kaiisip ng seguridad ng kanilang buhay kapag dumating ang bagyo at baha na kumitil na ng maraming buhay ng mga taga-Metro Manila. CHOKEPOINT/BONG PADUA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment