NAGSISI ang magaling na si Pangulong Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino nang payagan niyang ipatupad ang operasyon laban sa teroristang si Marwan kung saan kinarne ang ‘SAF 44’.
Ganoon din naman ang ginawa ng Panginoong Dios nang lalangin niya ang tao pero sumalto nang mauto ng ahas si PNoy, este, si Eba na umuto rin naman kay Adan.
Sa aklat ng Genesis ng Bibliya, ika-anim na kapitulo bersikulo anim… “At nagsisi ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kanyang puso.”
Madalas itong nauuwi sa debate ng mga taong may alam sa Bibliya dahil sa salitang nagsisi. Kapag nagsisi raw, ibig-sabihin ay alam na alam nito na posibleng mangyari ang ‘di dapat mangyari pero itinuloy pa rin.
Kayo, taumbayan. Kapag nagsisi kayo, ‘di ba alam mo ang mga posibilidad na mangyari pero sige pa rin? Sumablay kaya nagsisi ka pero alam mong may sablay iyon, alam mo rin ang posibleng tagumpay.
Alam ng Dios na posibleng sumalto sina Adan at Eba kaya mahigpit ang kanyang direktiba na huwag kainin ang prutas [hindi mansanas] mula sa Puno ng Karunungan. Pero nauto, nabola si Eba.
Sa ganitong argumento, alam ni PNoy na posibleng sumalto ang operasyon batay sa inilatag na plano pero itinuloy pero nakarne ang ‘SAF 44’. Nauto si PNoy, nabola ng mga heneral.
Pero makaraan lamang ang pagsalto ng mga tao ay sumunod agad ang pangako ng Dios na kaligtasan marahil dahil responsibilidad niya ito bilang ating Ama sa Langit. Parang tayo sa ating mga anak ‘pag sumalto, ‘di ba?
Subalit ibang klase itong si PNoy. Nagsisi nga siya [sabi niya] pero tuloy ang paninisi. Hindi niya inaako ang responsibilidad bilang ang Ama ng Sambayanang Pinoy.
Ang responsibilidad ay hindi lamang pag-ako ng kasalanan kundi may karampatang aksyon upang iligtas ang mga anak na naapektuhan ng sumaltong plano o kilos.
Ano ang aksiyon ni PNoy, ‘di ba hambog pa ang datingan? Hindi nagsisi si PNoy gaya ng kanyang pahayag kundi isang pautot lamang ito para makalusot sa batikos ng taumbayan. Taumbayan… huwag pauto sa uto-utong hambog!
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment