Monday, March 30, 2015

PANG-UNAWA ANG HINIHILING NI PNOY

HINDI talaga maintindihan ang mensahe at pinaggagawa ng pamahalaan sa kasalukuyan.


Humihingi ito ng pang-unawa sa mga malalaking pagkakamali nito habang kaguluhan din ang ibang pinagsasabi nito.


NAKASENTRO KAY PNOY


Gusto man o hindi ni Pangulong Benigno Aquino III, nakasentro sa kanya ang kamatayan ng nasa 64 katao sa Mamamasapano, Maguindanao nitong Enero 25, 2015.


Hindi maikakaila ito lalo’t mismong ang Board of Inquiry at Senado na mismo ang nagsasabi nito.


Sinabi ng BOI na binalewala ni PNoy ang chain-of-command o maayos na daloy ng paggampan ng tungkulin nang iatas kay noo’y suspendidong PNP chief na si Gen. Alan Purisima ang Oplan Exodus na proyektong panlambat kay teroristang Marwan, patay man o buhay.


Makaraan nito, pinagsisisi nito sina Purisima at Gen. Getulio Napeñas na siyang responsible sa madugong insidente. Pinagsinungalingan siya ni Purisima at pinagbobola naman siya ni Napeñas?


Sa pakiramdam ng mga mamamayan, umiiwas-pusoy lang si PNoy, inililibre lang nito ang sarili sa pagkakasala.


Diretsahan namang sinabi ng Senado na si PNoy ang puno’t dulo ng kamatayan 64 katao, kabilang na ang Fallen 44 at 18 sugatang miyembro ng Special Action Force.


Siya kasi ang nag-utos na paganahin na ang Oplan Exodus at nasubaybayan niya ito mula sa simula hanggang sa katapusan ng malagim na pangyayari.


ANO ANG SA KAMARA?


Naghahabol ang Kamara ng pagkilala matapos na balewalain ng mga ito ang pangyayari.


Inihinto ng Kamara ang imbestigasyon sa Kamara makaraang ipunin ang mga ito ng Palasyo at kausapin nang masinsinan. Ngayon ay may lumalabas na mga usok ng korapsyon sa nasabing miting.


Talaga bang pinatahimik ang mga kongresman ng malalaking insentibo? At ginawa na lang na rason ang pag-aantay ng mga ito sa resulta ng imbestigasyon ng BOI?


Ngayon nga ay “nagpupursigi” ang mga kongresman na ‘to para himayin daw ang trahedya at kasunod na nito ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law.


Anak ng tokwa, saan ba talaga patutungo ang aksyon ng Kamara, huh?


NATIONAL PEACE SUMMIT


Bumuo rin ang Palasyo ng Council of Elders para pangunahan ang National Peace Summit at para makatulong umano sa paghimay sa panukalang BBL.


Kasama rito ang isang kardinal na Katoliko, isang dating Chief Justice, isang babaeng lider na Muslim at isang eksperto sa Saligang Batas.


Pero sa tingin ng iba, lalo na sa parte ng mga mambabatas sa Senado, at hindi sa Kamara, ha, layunin lang ng Palasyo na ipakita kunyari na sumasangguni ito sa mamamayan.


Hindi naman kasi sumang-ayon ang Palasyo sa malawakang pakikipag-usap para sana kasali ang mga Kristiyano at iba pang mga armado at grupong umaayaw sa pagbibigay ng BBL sa ilalim ng kapangyarihan ng Moro Islamic Liberation front.


Lalo’t sinabi mismo ni government panel chief negotiator Miriam Ferrer na hindi talaga maseselyuhan ang kapayapaan sa Mindanao dahil isa lang ang MILF sa mga sakit sa ulo ng pamahalaan at sambayanan.


Isa pa, sinasabi ng mga mambabatas na sila, hindi ang Council of Elders, ang magpapasya ukol sa BBL at pupwede nilang tanggapin o ibasura ang magiging mga rekomendasyon nito.


PANG-UNAWA ANG HILING


Ngayon nga ay humihingi si PNoy ng pang-unawa ng sambayanan.


Habang humihiling ito ng pang-unawa ukol sa Mamasapano, nagsibangonan naman ang mga kalagayan na kahit kailan ay hindi siya nagpakita ng pang-unawa.


Kabilang dito ang pambibilanggo niya sa mga kaaway niya sa politika dahil sa korapsyon at pandarambong habang malayang nakagagala ang mga korap at mandarambong ding mga kasama niya sa Palasyo at Kongreso na higit na nakararami kaysa mga itinuturing niyang mga kaaway.


Bumabangon din ang mga alaala na kahit kailan ay hindi niya binigyan ng kahihiyan ang sarili niyang bayan sa pag-atake niya sa mga korap at mandarambong sa harap ng mga dayuhan dito at sa labas ng mahal kong Pinas… nang hindi binabanggit ang mga malalaking korap at mandarambong sa loob ng kanyang sariling bakuran.


SA BANGIN


Walang nakatitiyak kung saan tayo patutungo… kung sa dulo ng Tuwid na Daan o sa bangin. Ito’y dahil sa kawalan ng malinaw na tinatahak na daan ng kasalukuyang pamahalaan.


Idagdag pa rito ang pabagsak nang pabagsak na pagtingin ng mga mamamayan sa liderato ng bansa gaya ng inilabas ng surveyor na Pulse Asia. E, wala pa noon ang resulta sa Senado.


Heto pa ang masama: mismong kaalyado ni PNoy ang nagsasabing parang halik na ni Hudas ang pag-endorso nito sa sinomang kakandidatong Pangulo, Pangalawang Pangulo, senador sa 2016.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



PANG-UNAWA ANG HINIHILING NI PNOY


No comments:

Post a Comment