CEASEFIRE muna tayo sa politika, mga Bro, bagama’t ang daming usapin dito.
Sa halip, nais nating bigyan ng pansin ang mga kamatayan ng mga Pinoy sa pag-asang makahanap tayo ng mga paraan para mabago ang kalagayan nila.
Alalahanin, hindi nagtatapos sa kamatayan ang Semana Santa kundi sa muling pagkabuhay, gaya ng nangyari kay Kristo.
P30M PCGG LITIGATION FUND
Kabilang sa mga usaping pampulitika na nais sana nating talakayin nang todo ay ang halos pagkasaid na ng napakalaking nakumpiskang salapi mula sa martial law government na ginawang pondo para sa litigasyon o labanan sa korte ukol dito.
Mantakin ninyong nasa $30-milyon (P1.3-bilyon mahigit) lahat iyon pero nasa $8M (nasa P350M) na lang ang natitira.
Noon pa nagkaroon ng panukala na tapusin na ang buhay ng Presidential Commission on Good Government na nilikha ng Executive Order No. 1 noong February 28, 1986 ni ex-President Cory Aqino.
20 taon ang ibinigay na buhay at trabaho sa PCGG para mabawi ang mga nakaw at tagong yaman ng gobyernong martial law.
Pero magta-30 taon na sa pag-alis ni PNoy sa Palasyo, maaaring buhay pa rin ito at uubos pa ng malaking halaga.
BINARA AT KAPIT-TUKO
May inisyu si ex-President Glor Macapagal-Arroyo na Executive Order No. 643 noong July 27, 2007 para buwagin na ang PCGG at ilipat ang lahat ng kapangyarihan at trabaho nito sa Department of Justice, Solicitor General at Department of Finance.
Pero binara ito ng kung sino-sino at walang nagawa na patakaran para sa paglilipat ng nasabing mga kapangyarihan at trabaho.
Ayon sa ating Uzi, mga Bro, itong PCGG kasi ang isang tapunan ng mga walang mapwestuhan na pinagkakautangan ng loob ng mga politiko makaraan ang isang halalan.
Lumolobo ang bilang ng mga abogado at consultant sa PCGG at dito nauubos nang mabilis ang pondo nito.
Naging milking cow o gatasan ng mga korap ang PCGG. Hindi nga ba matinding pinag-aawayan ang pagbubuhay-hari ng mga boss dito?
Sayang na sayang ang napakalaking pondo na dapat ay natipid sana kung naipatupad lang ang EO ni Aling Gloria.
Ang PCGG ay lungga ng mga kawatan at ito ang isang napakalaking iskandalo mula sa panahon ni Aling Cory hanggang kay PNoy at hindi pinapansin kahit ng Matuwid na Daan.
P166B ATBP.
In fairness sa PCGG, nakarekober naman ito ng P166B mula sa nasimulan ito hanggang taong 2013, pwera pa ang mga ari-arian na bilyon-bilyon din ang halaga.
Ang sabi, pumunta sa Department of Agrarian Reform ang halagang P87.2B at sa industriya ng niyog ang P72B habang P10B ang para sa mga biktima ng karahasan ng martial law.
Tanong ngayon: bakit nanggagaling sa mga magsasaka, magniniyog at biktima ng martial law ang nagsasabing hirap sila o lalong naghihirap hanggang ngayon?
Hindi ba dahil sa ipinambili ang kalakhan ng nasabing mga pondo sa mga lupa ng mga panginoong maylupa at ang yumaman talaga ay ang mga panginoong may lupa?
At hindi ba ang mga malalaking may-ari ng mga lupain sa sakahan at niyugan ang pinapaboran sa paglalabas ng pondo para sa pagpapaunlad ng mga sakahan at niyugan?
Anak ng tokwa, sa milyong biktima nga lang ng Yolanda na magniniyog, halos walang natatanggap na ayuda ang pamahalaan.
At sa pasahan ng pondo sa pagitan ng PCGG, DAR at may kontrol ng industriya ng niyog mas malaki ang iskandalo.
KAMATAYAN
Parami nang parami na nga pala ang mga nakikidnap, napupugutan at pinapatay sa ibang paraan sa mga bansang may mga digmaan gaya ng Libya, Syria, Iraq, Yemen at iba pa na kinatatagpuan ng libo-libo at milyon-milyong overseas Filipino worker.
Pinakahuling naiulat na napatay sa bombahan sa Libya ang isang Pinoy.
Ngayong sumali sa bombahan ang 10 bansa sa Yemen sa pangunguna ng Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates, Egypt at iba pa, tiyak na nasa mas matindi at mas malawak na panganib ang kinahaharap ng mga OFW.
Hindi na lang ang mga OFW sa Libya, Syria, Iraq at Yemen ang nanganganib kundi ang mga nasa ibang Arabong bansa na kasali sa pagbomba sa Yemen at sa Syria at Iraq na rin.
Ang mga ganting salakay ng mga Islamist kung tawagin at ang mga giyera ng mga nag-aagawang gobyerno gaya ng nangyayari sa Yemen, Syria at Libya ay talaga namang nakatatakot. At dito na nga napipinsala ang mga OFW.
PAGLILIKAS
Ang programang sapilitang paglilikas ay alok ng bagong buhay sa mga OFW na apektado.
Subalit bakit mas gusto pa rin ng marami ang manatili sa mga magugulong bansa kaysa ang umuwi sa mahal kong Pinas?
Dahil ba sa nakamamatay rin ang daratnan nilang gutom sa pamilya at madadamay na rin ang mga pamilyang OFW sa kanilang pag-uwi?
O kayo riyan sa Matuwid na Daan, paano isabuhay ang mensahe ng Resurrection o muling pagkabuhay ni Kristo sa mga OFW sa ganitong kalagayan?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment