INAKUSAHAN ngayon ng isang pamilya na minasaker umano ng militar ang tinatayang 50 magsasaka na nagresulta sa pagkamatay ng apat nitong kasamahan habang tatlong iba pa ang sugatan sa Bgy. Mantibugao sa bayan ng Manolo Fortich, Bukidnon.
Kinilala ang namatay na mag-amang si Enemesio Sr. at Pepe Casas na taga-Kibawe, Bukidnon; Bernabe Sacurom ng Claveria, Misamis Oriental; at Rosalie Aluto ng Bgy. F.S. Catanico ng nasabing lungsod.
Ayon sa anak ni Casas Sr. na si Anabel Casas-Valle, hindi nanlaban ang kanyang ama subalit wala pa rin itong habas na pinaulanan ng mga bala ng special force ng tropang militar.
Inaakusahan din nito ang mga sundalo na kumuha sa mga paninda nila sa kasagsagan ng engkwentro.
Una nang nasugatan at dinala sa pagamutan sina Enemesio Casas Jr., Jessie Meo-Meo at Eliseo Dacumo na pawang taga-Kibawe, Bukidnon.
Samantala, kinumpirma naman ng pulisya na hawak na nila ang testigo na makapagpapatunay na grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nakasagupa ng militar sa nasabing lugar.
Inihayag ni Manolo Fortich Police Station chief of police C/Insp. Dante Incaso na maging ang kanilang hawak na testigo ay dati umanong hinikayat na sumali sa kilusan.
Iginiit pa ng testigo na hiningian pa umano ito ng membership fee upang maging kasapi at mabigyan ng sariling armas.
Samantala, ani 403rd Brigade, Philippine Army commander Lt. Col. Jesse Alvarez na isang armadong grupo ang kanilang nakasagupa na ikinamatay ng apat na katao.
Sinabi ni Alvarez na hindi sana mangyayari ang bakbakan kung hindi nagdadala ng mga baril ang mga namatay na biktima. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment