AMININ man o hindi ng Liberal Party ay malinaw na mahina ang kanilang pambato sa 2016 election.
Kitang-kita sa mga isinagawang survey na sablay ang kanilang pambato dahil malinaw na hindi ito umaangat sa pwesto at ang pinakamasaklap nga nito ay ang katotohanang naungusan pa ito ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ngayon pa lamang isinama sa survey.
Kitang-kita rin na kahit giniba ng husto si VP Jojo Binay ng kanyang mga kalaban ay nanatili pa rin angat ito sa lahat dangan nga lamang ay patuloy rin ito sa pagbaba.
Sa mga sinasabing kakandidato sa 2016, klaro na matunog ang pangalang Duterte at Grace Poe kaya ito na lamang siguro ang dapat i-push ng LP kaysa kay Roxas na masasabi na nating ginawa na ang lahat pero patuloy pa rin ito sa pangungulelat.
Klaro rin na ang mga trying hard na sina Roxas, Sen. Alan Cayetano at Antonio Trillanes ay hindi kinakagat ng publiko kahit pa may mga punto at nasa tamang direksyon ang ginawa nilang pag-iimbestiga sa Senado.
Sa madaling salita, ayaw na ng tao sa trapo o mga dating politiko dahil ang pakiramdam nila ay wala namang magbabago sa pamahalaan kung ito pa rin ang kanilang ilalagay sa pwesto.
Medyo matagal pa ang laban pero klaro na naghahanap ang tao ng bagong mukha dahil nabusabos lamang ito ng mga trapong politiko na magaling lamang sa panahon ng halalan.
Mabigat ang laro tinatahak ng LP pero kakayanin nila ito kung magpapalit sila ng pambato sa tao. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment