LALO pang lumalakas at bumagal ang binabantayang bagyo na may international name na Maysak.
Sa huling update ng PAGASA kaninang alas-4:00 ng madaling-araw, taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 215 kph at pagbugsong 250 kph.
Huli naman itong namataan sa layong 1,410 km Silangan ng Surigao City.
Tinatahak nito ang direksyong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 17 kph.
Asahang mananalasa ito sa Philippine area of responsibility (PAR) mamayang gabi o bukas ng madaling-araw.
Kapag hindi magbabago ang direksyon ay tutumbukin nito ang central o northern Luzon partikular sa Aurora o Isabela.
Kapag tumaas naman ay maaaring mag-landfall sa Cagayan.
Apektado nito ang malaking bahagi ng bansa dahil may diameter itong 700 km.
May tiyansa pa rin naman daw itong humina habang papalapit sa kalupaan.
Samantala, ang Cagayan Valley, Cordillera at rehiyon ng Ilocos ay makararanas ng bahagyang maulap na kalangitan.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog.
Mahina hanggang sa katamtamang hangin mula sa silangan hanggang timog-silangan ang iiral sa Hilagang Luzon at mula naman sa hilagang-silangan sa nalalabing bahagi ng bansa na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment