IMBES na pasulong, tila paurong ang nagyayaring sistema rito sa Securities and Exchange Commission.
Kaya nga may sistemang computerization ay upang mapabilis ang trabaho sa mga ahensiya ng gobyerno.
Inilunsad ang computerization sa mga tanggapan ng pamahalaan para maiwasan ang “red tape” o itong mga paligoy-ligoy na transaksyon na nagreresulta ng pagbagal at lagayan sa paglalakad ng mga rekisitos/papeles ng taumbayan.
Pero anak ng kuto naman, dito sa SEC ay inirereklamo ng bayang publiko ang palaging bagsak na computer system.
Ilang buwan na raw itong ganito. Kaya naman may mga araw ng pasok na ginagawa na lamang nilang half day.
Mantakin n’yo pinasusuweldo para sa isang buong araw ang mga kawani rito, tapos ay kalahating araw lang ang kanilang operasyon.
Wala naman umanong problema kung “nakagugulang” sa oras ng trabaho ang mga empleyado ng SEC dahil hindi naman nila ito sala, ang masakit dito kasi ay naapektuhan ang taumbayan na naglalakad ng mga dokumento sa ahensiya.
Kung dati’y kapag nagpaparehistro sa SEC, tumatagal lamang ng isang oras. Ngayon umano’y kapag minalas-malas, aabutin na ng ilang linggo.
Sa halip na makamenos ng oras ang mga naglalakad ng kanilang mga papeles, nagiging malaking abala pa ito sa kanila.
Malaking tulong ang computer system dahil pupwedeng makipagtransaksyon, gaya ng pagbabayad, ang sinoman sa pamamagitan ng “online”.
Aba’y dahil laging down nga po ang computer ng SEC, palpak din ang online nito.
Inirereklamo sa atin na kapag pumunta ka sa website ng SEC, ang agad bumubungad ay mga porn site.
Sayang naman ang ibinabayad ng gobyerno na mula sa buwis ng taumbayan sa kung sinomang humahawak ng computer system ng SEC.
Kung hindi nila ito kayang ayusin, bakit hindi na lang kumuha ng iba. Malaki nang perhuwisyo ang nagagawa nito sa taumbayan.
Sa mga nakatataas diyan sa SEC, kumilos naman po kayo!
* * *
Kahindik-hindik ang naging pagkamatay ng isang 14-anyos na babae matapos masagasaan ng SAFEWAY BUS kamakalawa ng hapon sa kanto ng East Ave. at EDSA.
Ilang beses na ba nasangkot sa aksidente at nakapatay itong SAFEWAY BUS? SAFE raw pero barumbado sa kalsada ang mga driver.
Hindi lang Safeway ang nakikita nating bus na tarantado sa kalsada. Sa Commonwealth Avenue kahit may bus lane na at speed limit, makikita ninyong nagkakarerahan pa rin ang mga salbaheng driver ng bus.
Kailan ba tuluyang malulunasan ang problema sa mga pasaway na bus sa Metro Manila? KANTO’T SULOK/NATS TABOY
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment