BIGYAN natin ng atensyon, mga Bro, ang paglalakbay sa pamamagitan ng himpapawid.
Kaugnay ito ng natagpuan ng mga imbestigador sa sadyang pagpapabagsak ng mismong co-pilot ng kanyang eroplanong Germanwings sa bundok ng Alps, France kamakailan lang at ikinamatay ng lahat ng 150 pasahero nito, kasama na ang nasabing co-pilot na si Andreas Lubitz.
Parami nang parami ang mga mamamayan at opisyal ng pamahalaan na sumasakay sa mga eroplano kahit mahal dahil sa bilis ng paglalakbay.
Sa Pinas, sa loob lang ng isang oras o mahigit, naroon ka na sa lugar na gusto mong puntahan sa halagang P3,000.
Kapag sa bus, sa P1,500 pababa na pamasahe, aabutin ka ng 30 oras mula Aparri, Cagayan hanggang sa Legazpi, Albay. At sa nasa P1,000 pataas, aabutin ka rin ng 22 oras ang biyaheng Manila-Visayas habang 46 oras naman ang Manila-Zamboanga sa barko.
Kaya, ‘yang pagsakay sa eroplano ang mas gusto ng mga Pinoy.
Eh, ano kung puro delayed ng dalawang oras o mahigit pa ang flight ng mga eroplano sa Pinas!
Pesteng yawa, uy!
PATAY NA, WASAK PA
Balikan natin ang eroplanong Germanwings na nadisgrasya.
Libo-libong piraso ng bakal at kung ano-ano pa ang kinakalap sa crash site.
Ganito rin ang itsura ng mga pasahero, nagkawasak-wasak din ang katawan ng mga ito at walang mapagkakilanlan sa kanila.
Sa DNA test na lang umano aasa ang mga awtoridad upang makilala ang lahat ng mga pasahero, mga piloto at mga stewardess at steward.
Ganito kasaklap ang naganap na disgrasya.
RAID AT IMBESTIGASYON
Talagang gusto ng mga awtoridad na lumitaw ang katotohanan sa pangyayari upang mapagkunan ng leksyon at doon na rin makagawa ng mga karagdagang batas at patakaran para sa ligtas na paglalakbay sa eroplano kahit saang bansa.
Lahat ng tinirhan ni Lubitz ay nire-raid, kasama na ang tahanan ng pamilya nito.
Kinakalkal ang lahat: ang kanyang pagkabata hanggang sa siya’y naging 27 anyos at huling araw niya, pinagmulang pamilya, mga kaibigan, kapitbahay, girlfriend, kasamang mga piloto, pinasukan niyang flying school, rekord sa ospital, personal computer, mga binitiwang salita kahit kanino at mga sinulat niyang mensahe sa mga kompyuter, internet at sa ibang mga tao at maraming iba pa.
Pero may mga pinagtutuunan ng pansin ngayon.
Kabilang dito ang sinabi ni Lubitz sa nakipag-break na GF niya: “Isang araw, makikilala ako ng buong mundo!”
Ano ‘yun?
Kakambal nito ang naobserbahan na pagiging mag-isa nito at tahimik na naging kapansin-pansin sa loob ng ilang buwan o taon at paglala ng mga katangiang ito sa nagdaang mga buwan.
Nakita ring may itinatago at punit siyang mga medical record.
Ito’y sa kabila ng tila pagiging masaya nito hanggang sa maganap ang malagim na pangyayari.
GLIDER
Mahilig pala si Lubitz sa gliding kahit pa sa kanyang pagkabata at binibisita ng kanyang pamilya ang gliding area na malapit lang sa lugar ng disgrasya.
Gliding ang tawag sa pagsakay sa lumilipad sa hangin na anyong saranggola at magmumula ka sa isang mataas na lugar bago ka lumipad na parang isang ibon gamit ang glide o malaking saranggola.
Bago pa siya naging piloto, isa na itong glider at sumasama pa rin siya sa gliding sa mga panahon na hindi siya nagpapalipad ng eroplano.
Dito pa nga umano nabuo ang pangarap nitong maging piloto ng mga malalaking eroplano gaya ng eroplanong kanyang hinawakan.
Ang tanong ngayon, inisip ba nitong gawing glider ang eroplano at nilaro ito para lilipad-lipad ito sa mga burol at gilid ng bundok?
At hinaluan pa ito ng kalungkutan sa pakikipag-break sa kanya ng GF?
Aba disgrasya nga ang aabutin mo riyan.
BATAS
Ngayon gusto ng mga bansa sa Europa na ibahagi ng mga imbestigador ang kanilang makikitang mga problema na umikot kay Lubitz upang makagawa sila ng mga batas at patakaran sa pagsusuri sa mga piloto at paglalapat ng mga pangkaligtasang hakbang sa paglalakbay sa himpapawid.
Bilang reaksyon, mga Bro, agad na ginawa nilang patakaran na wala nang iisang piloto sa loob ng cockpit at dapat nang may dalawa o tatlo para mapigilan ang anomang masama o malarong gawi ng sinomang piloto.
Gusto na rin lahat ng airline company na walang itatago ang mga doktor sa rekord ng mga piloto o kaya’y pwersahin ang mga piloto mismo na palaging sumailalim sa medical test, kahit pa bago magpalipad ng eroplano.
Magiging obligado na ring magtapat ang isang piloto ukol sa kanyang relasyon sa iba na may problema dahil baka madamay ang lahat, gaya ng kalasan sa love affair ni Lubitz.
Ngayon, mga Bro, paano ang mga piloto at kompanyang eroplano sa Pinas, huh?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment