NOONG hindi pa nagaganap ang pagbubuwis ng buhay ng 44 Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao, magandang maganda ang turingan nina Presidente Benigno Aquino III at resigned Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Alan Purisima.
Itinuturing ng Pangulo na kapatid itong si Purisima dahil sa nagawa nitong pagliligtas sa kanyang buhay sa mga naganap na coup d’ etat at ambush noong nakaupo pang President ang kanyang inang si Pangulong Corazon Aquino.
Tumatayong “”bodyguard” at “superhero” ni Pang. Aquino itong kanyang “Kuya Alan” kaya naman lubos ang tiwala ang kanyang ipinagkaloob dito.
Walang hiniling si Purisima na hindi tinanguan ng Oangulo.
Halos lahat ng malapit kay Purisima ay nalagay sa puwesto tulad na lang ni National Bilibid Prisons Director Franklin Bucayu na kaklase ni Purisima sa PMA.
Lahat ng mga nakaupong kolektor sa National Capital Region at ilang region sa Pilipinas na talamak ang illegal gambling at ilan pang iligal na gawain ay pawang nagpapakilalang bata ni Purisima. At totoong mga bata sila ni dating PNP chief.
Sa totoo lang, hanggang ngayon ay pawang nakapuwesto pa sa mga juicy position ang mga taong pinagkakatiwalaan ni Purisima.
Ito ay sa katotohanang wala na sa puwesto ang kanilang amo.
Ang dahilan dito?
Ang lahat ng nakapuwesto ay pawang mga bata pa rin ni Gen. Purisima na tumatanaw ng utang na loob sa kanya kung kaya’t hindi masibak ang mga kolektor na sinasabing malaki ang pakinabang na napupunta pa rin kay Purisima.
Nang tumestigo sa Senate Inquiry si Purisima ay hindi naman nito ibinagsak ang kredibilidad ni Pangulong Noynoy.
Sa halip, patuloy ang pagtatakip nito sa taong kanyang binabantayan mula pa noong late 80’s.
Subalit para hindi tuluyang mabaon sa kahihiyan sa hindi niya agad pagkilos upang iligtas ang buhay ng 44 SAF, agad na sinabi ng Pangulo na nagsinungaling si Purisima sa kanya.
Sa madaling salita, inilaglag ng Pangulo si Purisima para sa kanyang sariling kapakanan.
Sabagay, pwede niyang sabihin na maiintindihan siya ng kanyang “Kuya Alan” sapagkat kapatid na nga ang turing nito sa kanya.
Kaya nga tama rin ang ginawa ni PNoy na pagtatwa kay Purisima nang sabihin niyang nagsinungaling ito.
Dapat mabatid ng Pangulo ang kasabihang ang “sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.” PAKUROT/LEA BOTONES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment