Wednesday, March 4, 2015

KAILANGAN MARINIG ANG BOSES NG BIKER SA 2016

HALOS isang taon na lang ay eleksyon na naman.


Sa nakalipas na anim na taon sa ilalim ng PNoy administration ay nasaksihan natin ang pag-usbong ng lumalaking komunidad ng mga biker.


Dumarami ang mga kababayan nating namumulat sa kabutihang dulot ng pagbibisikleta hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa ating kapaligiran.


Sa tingin ko, dumating na ang panahon para maging isang political force ang biking community hindi para makisawsaw sa ating mga halalan kundi upang maging kilusan para matiyak na ang mga uupong lider sa ating bayan ay may malasakit sa ating mga biker.


Hanggang ngayon kasi, napakarami pa ring motorista ang hindi marunong magbigay sa mga nagbibisikleta.


‘Yung iba, eh, nagkaroon lamang ng sasakyan na kahit bulok na, eh, akala mo’y sa kanila ang kalsada kapag umasta.


Napakarami pa ring dapat gawin upang maging ligtas ang ating mga kababayang gamit ang bisikleta sa kanilang araw-araw na pamumuhay gaya na lamang ang pagkakaroon ng ligtas, tuloy-tuloy at magkakarugtong na mga bike lane sa ating mga pangunahing siyudad.


Kitang-kita naman natin ang resulta ng pagkakaroon ng mga bike lane sa mga bayan na gaya ng Marikina at Iloilo City.


Bagama’t makikitid ang napakaraming kalsada ay maayos at mabilis ang biyahe ng mga nagbibisikleta.


Dahil dito ay napakarami sa kanilang mga mamamayan ang naeengganyo na mag-bike na lang sa halip na gumamit ng sasakyan.


Ibig-sabihin nito ay mas mababa rin ang mga sasakyang bumibiyahe na siyang nagbubuga ng usok na unti-unting pumapatay sa ating kaisa-isang planeta.


Nasasalaula ang ating kapaligiran dahil na rin sa kawalan ng malasakit ng ating mga lingkod-bayan.


Sa tingin ko, napapanahon na nga siguro upang magkaisa ang lahat ng grupo ng mga biker upang manindigan sa pagsusulong ng mga pambansang polisiya na nagsusulong sa karapatan ng mga biker.


Napapanahon na nga na ang lahat na biker ay matutong mag-usisa sa mga tatakbong politiko kung ano ang kanilang mga plataporma.


Ito’y para mapangalagaan ang kaligtasan ng ating mga biker at maisulong ang pantay-pantay na karapatang gumamit ng ating mga kalsada.


Kapag nagawang magkaisa ng mga biker at tiyak na magkakaroon ng angkop na pagkilala ang konseptong “share the road” at magkaroon ng malasakit ang mga politiko sa mga biker.


***

Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon ay mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN


.. Continue: Remate.ph (source)



KAILANGAN MARINIG ANG BOSES NG BIKER SA 2016


No comments:

Post a Comment