WALA ba kayong napapansin?
Paigting nang paigting ang mga hidwaan sa ating lipunan.
May all-out offensive ng militar at pulisya sa Mindanao versus Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf Group.
Sa Mindanao pa rin at sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Luzon, may labanan din sa pagitan ng mga militar at New People’s Army.
Habang nanawagan ng pagkakaisa ang grupong nilangaw sa pagpapamisa para People Power 1 sa EDSA Shrine, tumitindi naman ang panawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino at mga kakosa niya sa puwesto.
May usap-usapan din ukol sa kudeta o pang-aagaw ng mga pulis at militar sa sibilyang pamahalaan.
Pero umuugong din ang kontra aksyon (daw) sa kudeta at ito ang martial law.
Nagbababala na rin ang Malakanyang ukol sa hangganan ng malayang pamamahayag at kasama rito ang pinararaaan sa mga diyaryo, radyo, telebisyon at internet sa anyo ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa.
PATAY DUMARAMI
Sa pagitan ng ASG at militar, mahigit nang dalawang dosena ang patay at nakararami rito ang ASG habang dumarami ang nasusugatan sa hanay ng mga sundalo.
Nag-aantay pa tayo ng balita sa mga patay sa pagitan naman ng BIFF at AFP sa labanan sa Buliok Complex.
May mga namamatay rin sa labanan sa ibang lugar gaya ng limang sundalo sa Ilocos at iba pa sa Kalinga at iba pa sa ibang mga lugar.
May mga napapatay ring NPA.
SIBILYANG NAIIPIT
Kasabay ng pagdami ng mga napapatay ang pagdami rin ng mga tinatawag na IDPs o internally Displaced Persons.
Sila ang mga sibilyan na nadadamay sa mga labanan at lumalayas o tumatakas papunta sa mga lugar na alam nilang ligtas sa kaguluhan at kamatayan.
Naglalaro na nga sa 10,000-30,000 ang nagsisilayasan sa kanilang mga barangay sa mga labanan ng mga militar, BIFF at ASG.
Malamang na magkakaroon din ng pagbabakwit sa mga labanan sa pagitan ng mga militar at NPA.
HIDWAAN
Kung mangilan-ngilan lang ang nagpunta sa EDSA Shrine upang ipagmisa at ipagdiwang ang People Power 1, parami nang parami naman ang mga naglalakad sa kalsada na nananawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino.
Nagsimula ang mga ito sa EDSA malapit sa Camp Crame upang mabigyan ng diin ang panawagan sa paggamit sa isyu ng Mamasapano encounter na kinamatayan ng 44 pulis ikinasugat ng nasa 17 iba pa.
Nitong nagdaang mga araw, libo-libo na ang nagmartsa patungong Malakanyang bitbit ang kahilingan sa pagbitiw ni PNoy.
Dumarami rin ang mga estudyante sa mga malalaking eskwela ang nananawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino sa puwesto.
UNITY WALK
Nasa 1,000 sundalo at pulis naman ang nagpakita ng pagkakaisa sa pamamagitan ng kapitbisig na paglalakad sa loob ng Kampo Aguinaldo sa araw ng PP1.
At nagmula sa mga pulis at sundalo naman ang mga sama ng loob kaugnay ng Mamasapano encounter.
Unang kinakitaan ng sama ng loob at sisihan sa pagitan ng mga pulis at sundalo dahil sa kawalan umano ng koordinasyon na nagbunga sa pagkakapatay at pagkakasugat ng nasa 60 pulis sa Mamasapano.
Pero nauwi ang sisihan hanggang sa Malakanyang at paglalaglag kay nag-resign na PNP chief na si General Alan Purisima ng Malakanyang.
KUDETA AT MARTIAL LAW
Habang nagpapakita ng unity walk ang mga sundalo at pulis, umuusok naman ang balita ukol sa kudeta.
Binabalewala lang ito ng mga awtordad pero mayroon din silang kaba kaya nga sinasabi nilang sila’y nag-iimbestiga.
Wala namang katiyakan na solido ang militar at pulisya, gaya ng gustong pa-labasin ng nga gumawa ng Unity Walk.
Habang nagaganap naman ito, may mga nagsasabi namang maaaring maganda na magkaroon ng kudeta upang may dahilan ng deklarasyon ng martial law.
Tiyak umanong iuugnay ang balitang kudeta sa iba pang kaguluhan na pupwedeng gawing dahilan para sa deklarasyon ng martial law.
At kung may martial law, mapapawi na ang hidwaan ng pulisya at militar ang pagkakaisahin ang mga ito bilang tagapangtanggol ng gobyerno martial law o anomang pamamahala sa pamahalaan na may halong bakas sa kamayan.
REBELYON
Iba naman ang tingin ng Department of Justice sa mga panawagan para sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino.
Maaari umanong mademanda ng rebelyon ang mga ito. At alam naman natin na kung makasuhan ka ng rebelyon o masuspetsa ka lang na may kaugnayan dito, pupwede ka nang arestuhin ng mga pulis at militar.
Saan kaya tayo hahantong sa mga pangyayaring ito?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment