Tuesday, March 17, 2015

Pagpili ng PNP Chief, dinadaan sa palakasan

PALAKASAN ng padrino, ‘yan ang sitwasyon ngayon sa loob ng Kampo Crame, base sa impormasyong natanggap ng Remate mula sa isang mapagkakatiwalaang source sa palasyo.


Ilan sa mga malalapit sa Pangulong Benigno Aquino ang nag-lobby na para sa susunod na pinuno ng pambasang pulisya ng Pilipinas.


Nabatid na matindi umano ang nagaganap na brasuhan sa puwesto dahil ito’y isa sa kanilang aasahan sa darating na eleksyon sa 2016.


Ilan sa mga kandidato ay sina PNP OIC Leonardo Espina na ang retirement date ay Hulyo ng 2015 at ang mistah nitong si Gen. Marcelo Garbo, na Marso 2016 naman ang retirement na minamanok ni Senate President Franklin Drilon.


Pero base sa impormasyon na lumabas galing sa palasyo, ang nais ng pangulo na maipuwestong Chief PNP ay isang opisyal na lalagpas sa kanyang termino ng June 2016 ang retirement date.


Ilan sa mga ikinokonsidera pa ay sina Gen. Benjamin Magalong, pero makaraang lumabas ang report ng Board of Inquiry (BOI) sa Mamasapano incident na pinamumunuan ni Magalong ay nadismaya na umano ang pangulo.


Kabilang din ang minamanok naman ni Executive Sec. Paquito Ochoa na si Directorate for Operations Chief Gen. Ricardo Marquez.


Sensitibo umano ang pagpili ng susunod na pinuno ng PNP dahil sa kasalukuyang sitwasyon na isang hudyat lamang mula sa isang mataas na opisyal ng PNP ay maaari na itong maging umpisa ng isang kudeta.


Nang tanungin ng Remate kung may simpatiya pa ba ang Pang. Noynoy kay resigned Chief PNP Allan Purisima, sinabi ng source na “malabo na, grabe na ‘yung mga pinagdaanan malamang hindi na pakinggan ‘yun.”


Ngunit base naman sa ilang kritiko, sinasabing si Purisima pa rin ang pinakatapat na tao ni PNoy kung kaya’t malaking factor na ito pa rin ang magiging gabay ng pangulo sa pagpili sa susunod na Chief PNP. ###


.. Continue: Remate.ph (source)



Pagpili ng PNP Chief, dinadaan sa palakasan


No comments:

Post a Comment