Tuesday, March 17, 2015

Impeachment vs PNoy, minaliit ni Speaker Belmonte

NANINIWALA si House Speaker Feliciano Belmonte na hindi impeachable offense ang tinutukoy sa Senate report na pananagutan ni Pangulong Aquino sa Mamasapano incident.


Tugon ito ng speaker sa anomang tangka ng impeachment laban kay PNoy matapos lumabas ang report ng Board of Inquiry (BOI) at ng Senado.


Iginiit ni Belmonte na maituturing na “fault in judgment” lamang ang nagawa ng pangulo sa gitna ng implementasyon ng Oplan Exodus.


Sa nabanggit na operasyon ay nasawi ang may 44 SAF ngunit napatay naman ang Malaysian terrorist na si Marwan.


Paglilinaw pa nito, ang “fault in judgement” ay dahil sa patuloy na pagkikipag-usap at pagbibigay ng derektiba sa noon ay suspendidong si dating PNP Director General Alan Purisima kaugnay ng Mamasapano mission.


Ngunit aminado si Belmonte na mali ang naging aktuwasyong ito ng pangulo pagdating sa aspetong ligal.


Ngunit hindi naman aniya nakakapagtaka ang ginawa ng pangulo dahil dikta ng sintido komon na ang talagang kakausapin nito para sa sensitibong operasyon ay ang taong higit na nakakaalam nito.


Naniniwala si Belmonte na hindi na kailangang mag-sorry ng pangulo pero kailangan nitong magsalita pa at magpaliwanag sa publiko.


Hindi naman suportado ng Independent Minority Bloc na pinamumunuan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang anomang paghahain ng impeachment complaint.


Ito’y dahil naniniwala siyang “waste of time” na lamang dahil mahigit isang taon na lamang ang itatagal ni PNoy sa kanyang puwesto. MELIZA MALUNTAG


.. Continue: Remate.ph (source)



Impeachment vs PNoy, minaliit ni Speaker Belmonte


No comments:

Post a Comment