MAY panibago na namang pasakit na maaaring maramdaman ang mga magulang ng mga estudyante sa kolehiyo matapos na mapabalita ang napipintong pagtaas ng tuition fee sa darating na pasukan.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng Commission of Higher Education ang plano ng 400 universities and colleges na magtaas ng kanilang tuition fee mula 13 hanggang 20 porsyento sa kanilang kasalukuyang matrikula.
Bagama’t hindi pa tiyak kung maaaprubahan ito ng CHED ay patuloy pa rin ang pangamba ng mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo dahil dagdag-gastos at pasakit na naman ito para lamang mapagtapos nila ang kanilang mga pinag-aaral.
Sa impormasyon, naghain sa CHED ng kanilang intensyon ang nasabing mga unibersidad at kolehiyo na magtaas ng matrikula at malalaman kung alin sa mga ito ang maaaprubahan sa darating na Abril hanggang Mayo 2015.
Matatandaan na noong 2014 ay nagtaas ng tuition fee ang ilang universities and colleges at umabot sa 287 sa mga ito ang pinayagan mula sa 345 na nag-aplay sa CHED.
Ayon sa National Union of Students of the Philippines, ang grupong bumubuo sa 650 student councils at federation nationwide, ilan sa mga naaprubahan na magtaas ng kanilang matrikula noong 2014 ay muling naghain ng kanilang intensyon ng tuition fee increase ngayong taon.
Kabilang umano sa mga ito ang De La Salle Araneta University (DLSAU), University of the East (UE) Manila and Caloocan campuses, University of Santo Tomas, Collegio De San Juan de Letran, National Teachers College, Miriam College, Manuel Enverga University Foundation, St. Louis University – Baguio; Ateneo de Naga University, La Consolacion College – Iriga, University of San Carlos, Cebu Normal University, Mindanao Polytechnic College, Ateneo de Zamboanga University, atbp.
Hindi biro para sa mga magulang ang panibagong tuition fee increase dahil ang ibig-sabihin nito ay muli silang maglalaan ng dagdag na gastos para sa pag-aaral ng kanilang mga anak sa kolehiyo.
Sana lang ay busisiing mabuti ng CHED kung dapat ba talagang aprubahan ang tuition fee increase ng mga unibersidad at kolehiyo na ito.
Huwag sanang magpadalos-dalos ang naturang tanggapan sa kanilang desisyon tungkol sa tuition fee increase dahil nakasalalay rito ang kinabukasan ng mga mag-aaral na gustong makapagtapos sa kolehiyo para sa kanilang magandang hinaharap. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment