MAKATWIRAN nga ba na sa bansang Malaysia muna i-submit ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang resulta ng kanilang ginawang imbestigasyon kaugnay ng naganap na bakbakan sa Mamasapano kung saan ay 44 na SAF Commando ang napatay?
Parang sampal sa gobyerno ng Pilipinas ang ginawang ito ng MILF at nakapagtataka lang ay kung bakit pumayag ang gobyerno natin na gawin ito ng MILF.
Sobra na yatang pang-iinsulto ang ginagawa ng MILF sa gobyerno ng Pilipinas na pumapayag naman sa lahat ng gusto nito kahit magmukhang katawa-katawa ang bansang Pilipinas.
Tanong ng marami, kanino ba hinihingi ng MILF ang Bangsamoro Basic Law o BBL at sino ba ang gobyerno nila, ang bansang Malaysia ba o Pilipinas?
Hindi yata tama ang ginagawang ito ng MILF sa gobyerno ng Pilipinas.
Pangulong Aquino, magsalita ka naman, binoto ka ng mga Filipino para pangunahan ang bansa hindi para maging tau-tauhan lang at gawing parang laruan lang ng MILF.
At bakit ba kailangang madaliin ang BBL, anong benepisyo ba ang makukuha ng mga Filipino sa BBL o ito ba ay para lang talaga sa MILF?
Habang hindi pa naaaprubahan ang BBL ay isipin din sana ni Pangulong Aquino at ng mga mambabatas kung magiging mapayapa at matatahimik na ba talaga ang Mindanao kapag na aprubahan na ang isinusulong na BBL at ano ang kasiguruhan na mananahimik sila.
Pangulong Aquino, hindi ba ninyo naitanong sa inyong sarili at sa inyong mga adviser kung bakit ang Luzon at Visayas na walang mga teroristang MILF, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf Group na ‘yan ay hindi naman magulong katulad ng Mindanao.
Hindi kaya sadyang ginugulo lang ng mga terorista ang kanilang lugar para matakot ang gobyerno?
Naalala ko tuloy ang sinabi ni Princess Jacel Kiram, na ang BBL ay para sa pekeng kapayapaan lang at hindi talaga totoong kapayapaan ang hangad dito ng MILF. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment