Saturday, March 28, 2015

Holy week tiyaking ligtas sa publiko – PNoy

PINATITIYAK ni Pangulong Noynoy Aquino ang kaligtasan at ginhawa ng mga mamamayan sa kanilang paglalakbay sa darating na Semana Santa.


Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, Jr., iniatas ng Pangulong Aquino ang mahalagang tagubilin sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan na may partikular na responsibilidad hinggil sa kapakanan ng mga mamamayang luluwas upang gunitain ang mga Mahal na Araw sa piling ng kanilang mga pamilya at kaibigan.


Iniutos din ng pangulo na bigyan ng mabilis na pagtugon ang mga pangangailanan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga public assistance desks sa mga terminal na inaasahang dadagsain ng libu-libong pasaherong maglalakbay.


Narito ang direktiba ng Pangulong Aquino sa bawat ahensiya:


1. Sa Toll Regulatory Board: Siguruhin na maging maayos at mabilis ang pagbabayad ng mga motorista ng toll sa mga expressway (SLEX, STAR, CAVITEX, COASTAL HIGHWAY, NLEX, SCTEX, TPLEX) ‘di tulad ng nakaraan na umabot ng ilang kilometro ang pila;


2. Sa DOTC/LTFRB: Tiyakin na sapat ang bilang ng mga pampublikong sasakyan, walang overloading, at maayos ang mga terminal; tiyakin din na ang mga bus na bibiyahe ay may kaukulang special permit at wala ring kolorum na bibiyahe;


3. Sa DOTC/PPA/Coast Guard: Siguruhing maayos ang mga pier, walang overloading, maayos ang mga terminal, walang palusutan sa manifesto, may sapat na safety devices ang mga barko at lahat ay seaworthy—at magtalaga ng Public Assistance Center o Desk sa bawat pantalan;


4. Sa DOTC/Airport Authorities: Tiyakin na maayos ang mga paliparan, magiging maayos ang pag-pila at pagpasok ng mga biyahero, gumagana ang mga x-ray machine, may sapat na tao para tugunan ang mga pangangailangan (pati ang mga airline companies), at hindi mauulit ang mga karanasang nangyari noong nakaraang Pasko; magtalaga ng Public Assistance Desk o Center sa bawat paliparan;


5. Sa DPWH: Sigurihing nasa ayos ang mga kalsadang dadaanan ng mga pampublikong sasakyan at motorista, walang mga sagabal, walang mga nakabinbing repair na maaring maging dahilan ng mabagal na trapiko;


6. Sa DPWH at PNP: Magtalaga ng public assistance centers sa mga strategic na lugar sa loob ng expressway at sa iba’t ibang dadaanan ng mga pampublikong sasakyan at motorista. Sa PNP, magtalaga ng sapat na tauhan sa lahat ng pantalan, paliparan at istasyon ng bus para sa kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng mga biyahero;


7. Sa DILG/PNP: Paghandaan ang mabiis na pagtugon sa mga emergency lalung-lao na ‘yung bunsod ng aksidente, at pati na rin sa sunog (sa Metro Manila), at krimen (pagpapaigting ng Oplan Lambat Sibat);


8. Sa DOH at mga Ospital ng Pamahalaan: Maging handa sa pagtugon sa anomang maaring maging pangangailangan tulad ng mga sakuna sa lansangan o mga karamdamang maaring idulot ng labis na init ng panahon;


9. Sa DOE/NAPOCOR: Siguruhing sapat ang supply ng kuryente at maiiwasan ang power outages; at sa


10. Sa mga mamamayan na bibiyahe: Mag-ingat, sumunod sa mga patakaran at kinauukulan, laging maging mahinaon at malamig ang ulo, siguruhing ligtas ang inyong mga iiwang tahanan, magbaon ng gamit pang-emergency kung kinakailangan (tulad ng first aid kit, gamot). JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



Holy week tiyaking ligtas sa publiko – PNoy


No comments:

Post a Comment