TINIYAK ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagkakaimbita bilang miyembro nang binuong National Peace Council na siyang magsasagawa ng review sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Kaugnay nito, ilan pang obispo ng Simbahang Katolika ang naimbitahan din pero hindi nakadalo sa unang meeting.
Sinabi ni Tagle na ang grupong binuo ay hindi komisyon kaya sila’y independent at hindi tali sa nais ng gobyerno.
Sa ngayon, hindi pa raw kumpleto ang detalye ng kanilang trabaho.
Una nang nagbabala ang Pangulong Aquino na kung hindi maipapasa ang batas ay kakalat ang kaguluhan.
Kaya nga raw binuo ang peace council at inorganisa ang National Peace Summit ay para matugunan ang kakulangan ng BBL.
Ayon sa Pangulong Aquino, pangunahin sa reresolbahin ng BBL ang kahirapan at karahasan na nagtutulak sa rebelyon.
Ayon sa Pangulong Aquino, ito’y pinanday ng 17 taong negosasyon kasama ang iba’t ibang sektor.
Paglilinaw ng pangulo, mayroong mga grupo na nais hadlangan ang pagkakaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Kaya magpapatawag daw siya ng peace summit na pangungunahan ng mga taong may mabuting hangarin sa mamamayan.
Liban kay Tagle, bahagi rin ng convenors groups si dating Chief Justice Hilario Davide, Jr., business tycoon na si Jaime Augusto Zobel de Ayala, dating ambassador at peace negotiator Howard Dee at Bai Rohaniza Sumndad-Usman.
Inihayag ng Pangulong Aquino na sila ang magbubuklod sa iba pang responsable at respetadong pinuno upang pangunahan ang isang National Peace Summit na bubusisi at tatalakay sa BBL bago iharap sa publiko. JOHNNY ARASGA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment