Saturday, April 5, 2014

TUMAKAS DAHIL IHUHULOG SA BINTANA SA LEBANON

Bantay-OCW1 NAG-AALANGANG nagsumbong si Vivian Avila ng Socrates Road, Puerto Princesa, Palawan hinggil sa kalagayan ng kapatid niyang 20 taong gulang lamang, na nasa Lebanon na si Betty Manaoag Gonzales.


May problema na agad ang ahensyang nagpaalis kay Betty, dahil 23 years old ang minimum age requirement para sa ating mga HSW (Household Service Worker) na ipinadadala sa ibayong dagat.


Ayon kay Vivian, madalas ‘aniyang’ saktan si Betty ng kanyang amo. Sinasapak ito, pinag-uuuntog at kinukurot pa ng kanyang madame kahit nasa tanggapan na ng kanilang agency sa Lebanon.


At ang pinakamatindi pa, madalas siyang pagbantaan ni madame na ihuhulog mula sa ika-pitong palapag ng kanilang gusaling tinitirhan. Ito ang labis na ikinatakot ni Betty kaya plinano na niyang tumakas mula sa mapang-abusong employer.


Kaya noong Pebrero 13, 2014, nakatakas si Betty at nakatakbo sa ating Philippine Embassy sa Beirut, Lebanon at sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na siya ng ating embahada.


Umalis si Betty noong Nobyembre 17, 2013 sa pamamagitan ng Sheeba International Manpower Services.


Pakiusap ng pamilya, na sana’y makauwi na si Betty sa lalong madaling panahon.


Hindi rin naman kasama sa kontrata ni Betty na saktan siya ng kanyang amo at lalo pa ang takutin araw-araw na ihuhulog siya sa kanilang bintana.


Kahit naman sino ay maaaring matakot talaga sa mga bantang tulad nito kung kaya’t tanging pagtakas na lamang ang kanilang solusyon.


Ipinadala na namin ang reklamong ito sa ating embahada at hinihintay na lamang ng Bantay OCW ang kanilang mabilis na katugunan hinggil dito.


Oobligahin din ng POEA na magpadala ng plane ticket ang Sheeba Agency dahil pananagutan nila ang ating OFW, anoman ang mangyari sa kanyang pag-a-abroad.


Sasagutin din nila ang tanong kung bakit pinaalis ang isang 20-anyos na OFW at maliwanag itong paglabag sa ating batas.


SERYOSOHIN AT PAKITAAN MNG KONSIDERASYON!


GALING pa ng Negros Occidental si Mary Ann Cajucom upang ilapit sa Bantay OCW ang problema niya na may kinalaman sa application ng renewal ng kanyang pasaporte sa Bacolod City.


Galing ng Kuwait si Mary Ann at muling nag-aaplay patungo sa abroad. Kailangan niya ngayon ng pasaporte na isusumite sa kanyang agency.


Buwan pa ng Nobyembre 2013 nang nag-aaplay ‘aniya’ siya sa DFA-Bacolod.

Linggo-linggo siyang nagpa-follow up, ngunit palaging ‘wala pa’ ang sagot sa kanya.


Pinadala namin siya sa tanggapan ni Assistant Secretary Wilfredo Santos ng Office of Consular Affairs sa DFA at kaagad, nalaman niyang naka-pending pala ang kanyang application dahil hindi pa naka-cancel ang nauna niyang request for renewal nang nasa Kuwait pa siya.


Kaya naman, nagpadala ng abiso ang DFA-Manila na ikansela iyon sa Kuwait at hindi naman nagtagal, itinawag na ng DFA-Bacolod kay Mary Ann na puwede na ‘aniyang’ makuha ang bago nitong pasaporte.


Nakalulungkot lang na bakit kailangang magtungo pa sa Maynila si Mary Ann para sa ganitong klase ng mga reklamo.


Na sa tingin namin ay simpleng koordinasyon lamang sana mula sa DFA-Bacolod patungo sa Manila at pagkatapos ay sa Kuwait ang tangi nilang ginawa.


Kung talagang inasikaso ito, hindi naman kailangang gumastos pa ang ating OFW. Sana naman ay maging makonsiderasyon ang mga naninilbihan sa ating pamahalaan.


Dahil ang bawat galaw natin ay nangangahulugan ng gastos. ‘Di na sana nararapat na mga gastusin na sana’y nagamit pa sa mas mahahalagang mga bagay.


Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes–Biyernes, 10:30am 12:00 noon, audio/video live streaming: http://ift.tt/1hNGu3k Helplines: 0927.649.9870/0920.968.4700. E-mail: bantayocwfoundation@http://ift.tt/KsV4jd.


The post TUMAKAS DAHIL IHUHULOG SA BINTANA SA LEBANON appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



TUMAKAS DAHIL IHUHULOG SA BINTANA SA LEBANON


No comments:

Post a Comment