ARMADO ng baril-de-sabog ang tropa ng Malacañang kontra kay Czech Ambassador Josef Rychtar dahil sa isyu ng pagbili ng MRT train coaches. Mula kay DOTC chief Emilio Abaya, Jr. sa mga abogado ng ahensiya, sa House of Representatives hanggang sa Senado.
Wala ring pagkilos dito ang Justice Department ni Leila de Lima maliban sa pagsabi na “hinihintay” ang resulta ng imbestigasyon na ginawa ng National Bureau of Investigation.
Nakatutuwa kayo!
May nagbintang pa kay Ambassador Rychtar na nag-iikot sa media para buhayin ang pangongotong ng MRT head na si Al Vitangcol at mga barkada nito, kasama ang ilang tauhan ng DOTC. May kriminal na bang umamin sa kaso na kinahaharap niya?
Hindi lihim ang pangingikil sa maraming ahensya ng pamahalaan. Ilang beses na bang “sumigaw at umiyak” hindi lang mga negosyanteng lokal at dayuhan na biktima ng mga tiwaling opisyal ng bayan?
Natural na humarap sa mass media si Rychtar dahil tinatanong siya at kinukulit ng ilang interesadong sektor. Taliwas sa bintang ng mga kaalyado ng Malacañang, mas nakikita ko sa ambassador ang totoo.
Alam niya na dayuhan siya at kabisado niya ang ugali ng mga opisyal ng bansa. Kapag napikon, “riding-in-tandem” lang ang katapat niya!
Sa halip na kuyugin ng Malacañang at mga tirador nito ang Czech ambassador, makabubuting utusan ang NBI na ilabas na ang dapat ilabas na resulta ng imbestigasyon sa tangkang KIKILAN sa MRT. Bakit nga ganoon katagal? Kilala ang NBI na mabilis pero sa usapin ng MRT KOTONG ay usad-pagong sila.
May ungas at sipsip pa nga ang rehimeng Aquino nang sabihin niya na ginagamit daw ni Rychtar ang media para sa 2016 election? Anong kinalaman niya rito? Ungas nga!
Kung ang batayan ng KUYOG NG MALACAÑANG ay wala raw pirma sa affidavit si Rychtar at ang Inekon Group na ibinigay sa House of Representatives at NBI, hindi sapat iyon na ilibing ang isyu ng KIKIL group.
Walang duda na pinag-uusapan tayo sa ibang bansa tungkol dito at malamang, lalabas na naman sa international study-report, “ang Pilipinas ang nangunguna sa korapsyon!”
Dapat harapin ng DOTC-MRT ang usaping ito sa tamang perspektibo. Itigil ninyo ang mga paninira at pananakot sa Inekon Group, lalo na kay Amb. Rychtar. Ituturing ninyo siya bilang “persona-non-grata.” Isa iyan na kaululang aksyon ninyo kung sakasakali!
Kapag ginawa ninyo iyan, totoo ang bintang: KUYOG NG MALACAÑANG, GUILTY!
The post KUYOG NG MALACAÑANG vs CZECH AMBASSADOR appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment