INUTIL ba talaga itong Pasay City Police? O baka naman dahil sa sobrang dami ng kanilang ibang inaatupag gaya ng pang-oorbit sa sangkatutak na nightclub sa lugar ang dahilan kaya ‘di na nito mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan?
Ilang beses na nating inupakan sa Bigwas ang nagkalat na mga “Batang Hamog” na halos lumuwa na ang mata sa kahihithit ng solvent sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue at Taft Avenue na sakop ng Pasay subalit bulag, pipi at bingi ang mga pulis na nakatalaga sa lugar na ito.
Aba, kabago-bago pa lang nitong kanilang hepe na si Pasay police chief, Senior Supt. Renz Ortilla sa puwesto pero parang nararamdaman na natin na isa rin itong dakilang “Boy Nganga.”
Wala na yatang ginawa ito kundi magkamot ng puwit sa loob ng kanyang opisina kaya’t hindi niya namamalayan na nagiging pugad na ng mga “Batang Hamog” ang Pasay. Diyan lang sa kanto ng FB Harrison at Gil Puyat Avenue ay isang batalyon na yata ang mga kabataang humihithit ng solvent at nakikita natin araw-araw. Ganyan din ang sitwasyon sa kahabaan ng Taft Avenue mula sa Gil Puyat hanggang sa may Baclaran.
Itong mga “Batang Hamog” na ito ang dahilan kung bakit talamak ang snatching at holdapan, lalong-lalo na sa mga sakayan ng bus sa bandang Gil Puyat at Taft at gayundin sa may FB Harrison.
Halatang-halata tuloy ang pagiging batugan ng mga pulis-Pasay na madalas lang nating nakikita na umiikot sa mga club at pasugalan diyan sa may FB Harrison, Roxas Boulevard at HK Plaza upang mangolekta ng kanilang arawang lagay.
Malamang, ang ikinakatwiran ng mga batugang pulis na ito ay pabalik-balik lang naman ang mga “Batang Hamog” kaya’t mas mabuting pabayaan na lamang silang magkalat ng kawalanghiyaan sa Pasay.
Aba, sir, kahit araw-arawin ninyong ibagansya ang mga iyan at araw-arawin ding ilagak ang mga ito sa mga pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay walang mawawala sa inyo.
Tungkulin ninyo ‘yan at hindi ang umorbit sa mga club at pasugalan sa Pasay!
Senior Supt. Ortilla, puwede bang magpakitang-gilas ka naman?
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post BAGONG HEPE NG PASAY POLICE, INUTIL DIN? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment