IBA-IBA ang estilo ng tao kapag may pangangailangan. Iba rin ang Pinoy kapag may kailangan.
Siyempre kahit ano pang mangyari, gagawin nito ang lahat, makuha lamang ang kanyang gusto. O ‘di kaya’y isusugal ang lahat, masapatan lamang ang pangangailangan o hangarin pa sa buhay.
Ito ang kwento ni Miriam, OFW sa Europa. Mahigit sampung taon na siyang nagtatrabaho roon. Stay-out si Miriam kaya may sarili siyang bahay na tinutuluyan. Malaya siyang magpatuloy at magpatulog ng sinomang naisin niya.
Naging magkaibigan sila ng Pinoy OFW na si Dalton. Magkapit-bahay lamang sila kaya halos magkasabay silang lumalabas sa umaga upang magtrabaho at nagkakasabay rin sa pag-uwi.
Pareho rin sila ng destinasyon ng trabaho kung kaya sa kulang-kulang isang oras na biyahe nila sa train sa araw-araw, nagkukwentuhan lamang sila ng nagkukwentuhan.
Single mother si Miriam. Iniwan ‘anya siya ng asawa at sumama ito sa ibang babae sa kanilang probinsya. May dalawa silang anak na nasa pangangalaga ng kanyang mga magulang.
Tatlo hanggang apat na bahay ang pinaglilingkuran nito sa buong maghapon. Sa Europa naman kasi, per ora ang bayad sa bawat trabaho na kanilang pinapasukan. May hawak siyang maraming susi ng mga bahay na pinagtatrabahuhan.
Maglilinis siya, maglalaba at kung may special request, lulutuan pa niya ang maybahay. Tapos, lipat na naman siya sa ibang bahay, hanggang sa matapos niya ang buong maghapon na palipat-lipat lamang ng mga bahay ng kanyang employer.
Si Dalton naman, ayon sa kwento niya kay Miriam, may asawa at limang anak na binubuhay sa Pillipinas. Walang trabaho si misis kaya siya lahat ‘anya ang sumusuporta sa kanila. Bukod pa sa mga matatanda nang mga magulang, na sa kanila nakatira, may dalawa pa siyang kapatid na tinutulungan din na makatapos sa kanilang pag-aaral.
Isang bahay lamang ang pinapasukan ni Dalton at palibhasa’y naging close na sila ni Miriam kaya nagkakasundo silang sabay na ring umuwi pagkatapos ng trabaho. Magkikita sila sa isang restaurant at doon na rin maghahapunan.
Minsan may natanggap na malaking bonus si Miriam mula sa boss na kumita ng malaki sa negosyo, kaya matapos mag-dinner, nagyaya pa itong mag-bar muna sila ni Dalton.
Naparami ang inom ni kabayan, kaya iniuwi na lamang ni Dalton si Miriam na lasing na lasing. At alam n’yo na kung ano pang mga eksena ang sumunod.
Natulog na si Dalton sa bahay ni Miriam at nasundan pa iyon ng maraming mga pagtulog at sa bandang huli, nagsama na ang dalawa sa bahay ni Miriam.
Ngunit ilang buwan lamang ang lumipas, nawalan ng trabaho si Dalton. Palibhasa’y nasa bahay siya ni Miriam, nanatili ito sa kanyang tahanan at siya na ang tagalinis at tagaluto sa kanilang bahay.
Okay lamang kay Miriam ang ganoong set-up. Alam niyang pansamantala lamang iyon at makakukuha rin muli ng trabaho si Dalton. Noong unang buwan, kay Miriam siya nanghiram ng ipinadala sa pamilya at nasundan pa ng maraming mga buwan.
Dalawang pamilya ang pinadadalhan ni Miriam ng sustento. Si Dalton naman kapit na lang sa patalim. Panay na lamang ang pangako kay Miriam na babayaran na lamang ang lahat ng inutang nito.
Ngunit sa bandang huli, naramdaman ni Miriam na ginagamit lamang pala siya ni Dalton at patuloy na pinagsasamantalahan dahil kahit nakaka-extra pala ito kapag umaalis siya sa buong maghapon, ni wala itong nababanggit kay Miriam at iniasa na niya ang lahat ng gastusin kay Miriam, pati ang pagpapadala nito sa pamilya.
Masakit man kay Miriam, pikit-mata niyang pinalayas si Dalton na tinagurian niyang user-friendly.
Dahil buong pagsasama nila, wala naman ‘anya siyang narinig na katagang mahal siya ni kabayan. May kailangan lamang ‘anya ito sa kanya at nagpa-uto’ naman siya.
***
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM. Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: http://ift.tt/1ibHfEJ Helpline: 0927.649.9870 Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo- .com/ susankbantayocw@yahoo.com. BANTAY OCW/SUSAN K
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment