MASYADO na tayong nababad sa Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 na PNP SAF. Masyado nang matagal ang imbestigasyon mula sa Senado na nilalaro ng Kamara, sinawsawan ng Human Rights at palyadong Department of Justice.
Sabi nga, almusal, meryenda, tanghalian, meryenda, hapunan at may midnight snack pa. Kung kailan ito matatapos, tanging mga politiko lamang ang nakaaalam. Kailangan nila ito bilang paghahanda sa kanilang ambisyon patungo sa eleksyon 2016.
Dahil sa isyu ng FALLEN 44, nawawala ang atensyon ng taumbayan sa mga mas malalang problema dala ng kapabayaan ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Patong-patong na bagong problema at usapin ang pinalulutang ng kanyang mga taga-areglo para malito tayo sa tunay na estado ng bansa.
REPOKUS tayo. Hindi na mangyayari ang panawagan na Resign Noynoy at Resign All. Una, biyak-biyak ang mga kilusan na nagsusulong nito.
Hanggang hindi isinasantabi ang kani-kanilang mga ipokritong bangayan – ang politika at idelohiya – walang magtatagumpay sinoman sa kanila!
So, wala tayong magagawa. Hindi magbibitiw si PNOY kahit ipatawas pa. Matatapos niya ang kanyang termino. Eh ‘di patapusin natin!
REPOKUS tayo. Tutukan ang kanyang mga programang saliwa at kontra interes ng bansa at taumbayan. Hayan ang senaryong katha nila. Manipis na pondo raw ng enerhiya. Ang resulta, kailangan itaas ang singil sa kuryente?
Garapal na nga ang kanyang rehimen. Paulit-ulit na ito. Ang pandurugas ng DSWD sa mga benepisiaryo ng conditional cash transfer. Sa halip na P1,500 kada buwan, may P1,000 o kaya ay P500 lang ang natatanggap ng “mahihirap” na benepisiaryo. Taghirap na, pinagsasamantalahan pa!
Matapos magtaas ng sunod-sunod ang presyo ng petrolyo, tiyak na magtataas pa sila uli na walang reklamo ang Department of Energy. Ganyan din ang Maynilad at Manila Water Services.
Nauna na ang MRT at LRT sa dagdag pamasahe. Sumunod na ang Philippine National Railways. At, malamang, magdagdag pa ng singil ng buwis ang Bureau of Internal Revenue?
Ito ang mga ISYU na dapat bigyan ng atensyon. Mas matindi ito kaysa FALLEN 44. Marami na ang naunang biktima sa pulisya at military, may naresolba ba? Pananagutan ng liderato, may napatalsik ba sa usapin na ito?
REPOKUS tayo. Aprubado ng mga politiko ang bawat dagdag-presyo. Iyon ay para sa kailangang kontribusyon nila sa darating na eleksyon. Walang magagawa ang mga negosyante dahil sa ayaw at sa gusto nila, kailangan magbigay ng donasyon sa panahon ng eleksyon, or else!
Kawawang negosyante. Kawawang Filipino. Kawawang bansa dahil sa bisyo ng mga politiko! BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment