Tuesday, March 17, 2015

DOJ AT OMBUDSMAN, P3.5B ISKAM SA PNP, PAANO?

DAPAT imbestigahan agad ng Department of Justice o ng Office of the Ombudsman ang iniulat ng Commission on Audit na mga iligal na transakyon ng Philippine National Police.


Ayon sa COA, may P3.4-bilyong iregularidad sa PNP sa panahon ng panunungkulan ni nag-resign na PNP chief Alan Purisima.


Iregular o iligal dahil hindi dumaan ang mga ito sa pasubasta gaya ng itinatakda ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Act.


ANG MGA TRANSAKSYON


Kabilang sa mga hindi dumaan sa pasubasta, mga Bro, ang P91.7 milyong halaga ng mga kalakal at serbisyo na kinailangan ng National Head Quarters, Special Action Force at Police Regional Office 13.


May 113 umanong purchase order na nagkakahalaga ng mahigit sa P500,000 bawat order pero walang naganap na pasubasta.


Ang PRO 13 mismo ay bumili ng mga gamit pampulis at militar sa pamamagitan ng pabale o cash advances at hindi umano naaayon sa patakaran ng COA.


Heto pa, mismong ang Camp Crame, SAF, National Capital Region, at nasa walong iba pang PRO ay hindi nakapagsumiteng mga kontrata nito sa COA ng purchase orders na nagkakahalaga ng nasa P2.2B.


Wala na ngang kontrata, hindi pa inimpormahan ng mga pulis ang COA ukol sa pagtanggap nila ng deliveries sa loob ng 24 oras.


DAGDAG PA

Isa pang kwestiyunable umanong transaksyon ng PNP ang pagbili ng “common use supplies.”


Nagkakahalaga umano ito ng P112-milyon at binili ang mga ito sa mga pribadong suplayer.


May mga transaksyon ding hindi kumpleto ang mga papeles na nagkakahalaga ng nasa P463M, bukod pa ang P47M halaga ng mga equipment.


SAGOT NG PNP


Simple lang ang sagot ng mga pulis o pamunuan ng PNP.


Anak ng tokwa, ang sabi nila, hindi lahat kasi ng kailangan nila ay nadaraan sa National Procurement Service ng Department of Budget and Management.


Marami ang kailangan nilang serbisyo, gamit o suplay na kailangang nasa kamay nila sa pinakamadaling panahon.


Kung idaraan umano lahat kasi sa pasubasta o bidding, matatagalan ang pagkakaroon nila ng mga kinakailangan nila.


Kaya nga, nagsa-shopping na lang sila.


‘Yun bang === pinapapasyal o nagtatatawag ang mga pulis ng mga suplayer at kung sino ang may pinakamababang presyo ay ito ang kanilang binibilhan ng serbisyo at kalakal?


May naaamoy ang COA na malangsa na ay mabaho pa sa istayl na ito ng PNP.


Istayl bulok, istayl pera-pera ba, kayo riyan sa COA?


Sabi pa ng PNP, sige, sa susunod, kung lalagpas ng P500,000 ang transaksyon, ipasusubasta na namin.


Whaaat?


IBANG AHENSYA


Sa mga nakakausap natin na local government unit, lahat talaga, maliit o malaking halaga na transaksyon ay pinaraaan sa pasubasta.


Dahil ito ang tadhana ng batas na RA 9184.


Pero may pahaging ang mga ito na pagdating sa mga pagawaing bayan, kapag nasa P200,000 lang halimbawa ang kontrata, nasa kapangyarihan na ng mayor ‘yan.


Ngayon, ‘yan bang P500 pababa ng PNP ang katumbas ng P200,000 na transaksyon ng LGU.


Gusto nating magkaroon linaw rito, mga Bro. Dahil kung totoong ito ang patakaran, hindi mamamalayang pagtsa-tsaptsapin ng mga korap ang mga perang bayan at hindi na pararaanin lahat sa pasubasta at diyan na walang silbi ang batas sa pasubasta na Government Procurement Act.


Sana naman, may makapagsabi sa ULTIMATUM na nagsisinungaling o binobola lang ito ukol sa mga patakarang ito. Hehehe!


KALABAN


Ang ulat ng COA rito, mga Bro, ay katulald ng usok.


Sabi nga lolo natin noon pa, kapag may usok, may apoy.


Pagdating sa pulitika, agad na nagsususpetsa ang Department of Justice at Office of the Ombudsman kung kalaban ng Palasyo ang pinatutungkulan ng COA sa mga report nito.


Ang usok ng korapsyon at pandarambong ay agad na nakikitang mga totoo.


Dito sa anomalya na napakalaki ng PNP, kikilos kaya ang DOJ at Ombudsman? At magsasampa agad ng kaso ng mga ito, sabay pagsuspinde sa mga sangkot?


KUNG HINDI KIKILOS


Kung hindi kikilos ang DOJ at Ombudsman dito, magiging kaduda-duda na talaga kung para talaga sa hustisya sa bayan ang dahilan ng pagkakatatag ng mga ito.


Ang dami nang mga kaso na dapat na silipin ng mga ito pero hindi sila kumikilos.


Andiyan ang mga anomalya sa Disbursement Acceleration Program, ang sa Conditional Cash Transfer, ang sa insentibo kon suhol sa impeachment ni Corona pero walang kumilos.


Matutulad ba ang usok sa PNP ni Purisima sa mga iskam na dinededma ng mga lady justice ni PNoy?


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



DOJ AT OMBUDSMAN, P3.5B ISKAM SA PNP, PAANO?


No comments:

Post a Comment