Saturday, March 7, 2015

BBL NI NOYNOY AT MILF, MGA TUTA SA KONGRESO

WALANG kahit isa ang tutol na isabatas ang Bangsamoro Basic Law (BBL).


Walang Filipino ang hindi naghahangad ng kapayapaan sa buong bansa ng Republika ng Pilipinas.


Ang mga Filipino ay Ilokano, Tagalog, Bisaya, Muslim, Ita, Igorot, Ifugao, Ilonggo, Waray, Lumad, Bikolano, Itneg, Tsinoy, Manobo, Mangyan at lahat ng katutubo sa bawat kanto’t sulok ng isla ng Pilipinas at, may mga dayuhan din na puti ngunit nagpaka-Filipino.


Matapos ang Mamasapano masaker na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-SAF noong Enero 25 ay nagbukas ng kamalayan sa bawat Filipino tungkol sa inisyatibo ni Pangulong Benigno Aquino III, ang BBL.


Ang mga walang paki noon sa BBL, humihiyaw ng pagtutol ngayon, hindi dahil ayaw sa kapayapaan kundi ang saradong mukha mayroon ang usaping BBL nina Aquino at MILF. Makasarili, mapaghiwalay at traydor!


Noong mainit ang isyu ng SAF Fallen 44, nagtago sa lungga si Aquino.


Matapos ang halos dalawang lingo ay muling lumutang at grupo-grupo ay ipinatawag, kinausap niya ang mga piling miyembro ng Kongreso – Senado at Kamara.


Iisa ang kanyang hiling, ipasa sa lalong madaling panahon ang kanyang BBL.


Tulad ng masunuring tuta o aso, ilan sa kanila ang tumahol na may todong pagsang-ayon sa kanilang amo.


Kailangan maipasa ang Aquino-MILF BBL at all cost!


Ibig-sabihin, magposturang bulag, pipi at bingi ang mga senador at kongresistang kaalyado ni Aquino kung hindi man mga bayaran na mambabatas.


Dahil sa salitang “at all cost.” Naalala natin tuloy ang pag-impeach kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.


Mula P50 hanggang P100-milyon ang tinanggap ng bawat isa!


Sana ay hindi totoo. Sana ay magising si Noynoy na huwag niyang ipagpilitan na ipasa ang BBL na nalagdaan na nila ng kanilang ninong na taga-Malaysia.


Sana, isa-Filipino niya ang kabuuan ng BBL sa pamamagitan ng muling pagsusuri, pag-aaral na sangkot ang lahat na sektor sa Mindanao.


Sana ay huwag siyang matakot sa banta ng MILF na kapag babawasan kahit isang letra o tuldok ang nalagdaan na nila na BBL ay muling guguluhin ang Mindanao.


Malinaw na kasong sedisyon na dapat silang ipakulong!


Sa usapin ng kapayapaan, wala dapat takutan. Dapat ipasok sa kukote ng MILF ‘yan.


Ang BBL nina Aquino, MILF at kanyang mga tuta sa Kongreso ay magbubunga lang ng lalong malaking gulo.


Sa sandaling pilitin na isabatas iyan, tiyak, maraming susulpot katulad ng BIFF ang hihingi ng kanilang sariling estado!


Tiyak na mangyayari iyan Mr. Aquino.


Wala ka na ngang nagawa sa halos anim na taon mo sa puwesto, wawasakin mo pa ba ang Republika at bawat Filipino? BALETODO/ED VERZOLA


.. Continue: Remate.ph (source)



BBL NI NOYNOY AT MILF, MGA TUTA SA KONGRESO


No comments:

Post a Comment