ISA ang namatay sa naganap na sunog kasabay ng pagbubukas ng Fire Prevention Month ngayong buong buwan ng Marso sa Cubao, Quezon City.
Nakilala ang biktimang si Robert Sandoval, 50, mula sa Cubao, Quezon City.
Napag-alamang may problema sa pag-iisip ang asawa ng biktima na siyang sumunog sa kanilang bahay.
Maliban sa kanilang bahay ay 13 pang bahay ang nadamay.
Ngayong araw, lumabas sa lansangan ang mga fire volunteers sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa para paalalahanan ang publiko na mag-ingat sa sunog lalo na ngayong buwan na mainit na ang panahon.
Payo ng Bureau of Fire Protection (BFP), iwasan ang buhol-buhol na koneksyon ng kagamitang de-kuryente sa mga bahay, huwag iwanan ang kalan habang nagluluto at huwag hayaan ang mga batang maglaro ng posporo at iba pang mga bagay na pwedeng maging sanhi ng sunog.
Samantala, ayon sa BFP-National Capital Region, mula noong Enero hanggang sa katapusan ng Pebrero ay nakapagtala na sila ng 625 na kaso ng sunog sa Metro Manila.
Sa nasabing sunog, 17 dito ang namatay habang 47 ang sugatan kasama na ang mga firefighters at P131-milyon naman ang halaga ng mga naabong ari-arian. MARJORIE DACORO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment