Saturday, April 5, 2014

PULPOL NA PURISIMA (PNP)

sa-kantot-sulok HINDI naman po lahat ng pulis ay pulpol. Marami tayong naging kaibigan at hinangaang pulis noong ako’y nagko-cover pa sa police beat bilang reporter.


Ihahalimbawa ko sa inyo ang aking kaibigan na si Supt. Alfredo Opriasa, ngayo’y hepe ng Manila Police District-Station 10. Matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita ng mamang ito.


Patrolman pa lamang siya sa Homicide Section nang masubaybayan ang kanyang career. Bilib ako kay Opriasa dahil masipag siyang pulis, magaling at malakas ang loob. Kaya isa siyang matagumpay na Colonel ngayon ng PNP.


Minsan sa isang responde, nasaksihan ko ang tibay ng loob ni Opriasa.

May isang mister na nang-hostage ng anak at sarili sa Dimasalang sa Maynila na nailigtas niya ang buhay.


Bago pa mapatay ng lalaki ang kanyang anak pati ang sarili, mabilis niya itong nadamba at naagaw ang patalim na gagamitin sana sa pagpatay at pagpapakamatay.


Parang si “Dante Varona” na tinalon ni Opriasa mula sa bintana ng bahay ang lalaki para makipagpambuno rito at naaresto ang suspek.


Kakaiba iyon. Bibihira ang pulis ngayon na magtataya ng buhay para tupadin ang sinumpaang tungkulin.


Hinahangaan ko rin ang mga babaeng pulis na matapang na humarap sa “Martilyo Gang” na sumalakay sa isang jewelry shop sa Mall of Asia kamakailan. Tama lang na gawaran sila ng parangal.


Hindi nila inaasahang malalagay sa ganoong sitwasyon pero kailangan nilang gawin ang kanilang trabaho na proteksyonan ang mga sibilyan sa mall.


Sa totoo lang, maraming nasa mababang ranggong pulis na dapat magawaran ng parangal dahil sa katapatan sa tungkulin. Sila ang mga bayani na hindi natin nakikita pero patuloy lang sa pagtupad sa trabaho.


Pero sa totoo lang din, kahit may mahigpit na security guards sa MOA, ang pagsalakay ng “Martilyo Gang” ay repleksyon ng pulpol na liderato ni Director General Alan Purisima sa PNP.


Matagal na itong modus ng sindikato pero tila hindi nasusugpo. Sumasalakay sila “in broad day light” na para bang hindi natatakot sa PNP.


Sa Cavite kamakailan, isang mag-asawa na kalalabas lang ng banko ang hinoldap ng mga riding-in-tandem. Binaril pa at napatay ng mga holdaper ang mister na nanlaban at natangay ang P2 million cash.


Sa Quezon City at Maynila, sunod-sunod ang salvaging. Tapon dito at tapon doon ng pinapatay ang mga kriminal. Laganap din ang holdapan hindi lang sa mall at pawnshops kundi pati sa malilit na establisimyento.


Talamak ang droga, ang illegal gambling at kung ano-ano pang kasamaan sa paligid.


Ano bang nangyayari sa Pilipinas? Iniisip siguro ng mga halang ang kaluluwa na wala naman kasing kuwenta at pulpol ang liderato ni Gen. Purisima kaya tuloy ang kanilang ligaya?


The post PULPOL NA PURISIMA (PNP) appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PULPOL NA PURISIMA (PNP)


No comments:

Post a Comment