WALA na ba talagang katapusan ang kikilan sa mga proyekto sa mahal kong Pinas?
Tinatanong natin ito dahil sa umaapoy na pangingikil umano ng ilang mataas na opisyal ng gobyerno sa Czech ambassador at pinuno ng kompanya na suplayer sana ng mga bagon para sa Metro Rail Transit.
Bawat administrasyon na nauna ay maroon ding ganitong kikilan at pinakahuli nga ang $30 milyong pangingikil ukol sa MRT.
VITANGCOL AT DE VERA
SENTRO ng sinasabing natapos nang imbestigasyon sa kikilan sina MRT General Manager Al Vitangcol III at kanyang sariling “ambassador” sa iskam na si Wilson de Vera, miyembro ng Liberal Party ni PNoy.
Syempre pa, nadarawit din si Interior Secretary Mar Roxas dahil naganap ang tangkang pangingikil nang siya pa ang Department of Transportation and Communications Secretary.
Nadarawit din si ngayo’y Transportation Secretary Joseph Ramon Abaya na pumalit kay Roxas dahil, kahit siya ang nag-utos para sa imbestigasyon, inuupuan lamang daw nito ang kaso.
RYCHTAR AT HUSEK
SINA Czech Ambassador to the Philippines Joseph Rychtar at Inekon Group boss Josef Husek ang nagtaas ng daliri laban kina Vitangcol, De Vera at Abaya.
Sabi nina Rychtar at Husek, hiningan umano ni De Vera, sugo ni Vitangcol, si Husek ng $30M para mapasa-Inekon Group ang kontrata sa bagong 48 bagon ng MRT.
Ibig sabihin niyan, mga Bro, magiging moro-moro at Kristiya-Kristiyano na lang ang pasubasta ng gobyerno para rito kung…magbibigay ang Inekon Group ng $30M.
Umangal agad si Rychtar makaraang magsumbong sa kanya si Husek at ipinaabot ito sa mga kinauukulan.
Naiwanan ni Roxas ang problema at naipasa kay Abaya ito na umano’y nag-utos naman ng kaukulang imbestigasyon.
Eh, nainip yata itong si Rychtar sa lakad-pagong na imbestigasyon ng National Bureau of Investigation kaya ito nagpuputak at umabot na sa kaalaman ng publiko ang lahat.
Gusto na ring paimbestigahan ng Kamara ang iskam at isinusulong ito ngayon ng grupo nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Navotas Rep. Tobias Tiangco.
MAS MAHABA SA PRUSISYON
DAHIL sa iskam na ito, mga Bro, hayan at kitang-kita ang paghihirap ng maraming mamamayan.
Sa pag-iwas sa trapik na likha ng pera-perang mga proyekto para sa halalang 2016, mas mahaba pa sa prusisyon ng mga simbahan ang pila ng mga pasahero ng MRT.
Kulang sa bagon ang MRT at hindi nito basta maserbisyohan nang mabilis ang nasa 500,000-600,000 na pasahero nito araw-araw, bukod sa araw ng Linggo.
Dito klarong-klaro ang masamang ibinubunga ng katiwalian.
Ngayon, kung tapos na ang imbestigasyon ng NBI at sinisilip na lang ang mga ligal na aspeto nito, nasaan ang ulat?
Tanong: May masisibak kaya na mataas na opisyal ng gobyernong PNoy? At hindi kaya umabot sa Palasyo ang kikilan na naganap pero itong mga uhuging opisyal lang ang isasakripisyo?
$330m NBN-ZTE
NITONG nakalipas na administrasyon, may NBN-ZTE deal kung tawagin na nagkakahalaga ng $330 milyon.
Ito ang isang pinagmulan ng pagbagsak ng rehimeng Arroyo at tuloy-tuloy na ang pagbagsak nito sa nagsulputang iba pang napakalalaking anomalya hindi lang sa mga kontrata sa mga dayuhan kundi mismo sa nakawan sa kaban ng bayan.
Ngayon ay naghihirap naman ang mahal kong Pinas dahil natatali ang gobyernong Aquino sa paghahabol sa mga korap dito hanggang sa mawalan ito ng konsentrasyon sa serbisyo publiko.
Sabi nga ng higit na nakararaming mamamayan, kahit sinasabing nagbubunga ang anti-corruption campaign ni PNoy, hindi naman nararamdaman ng nakararami.
P3b PEA-AMARI
NOONG kalagitnaan naman ng dekada ‘90, sumulpot ang PEA-AMARI deal na nagtangkang i-reclaim ang halos 50,000 ektarya sa Manila Bay.
Mula sa Manila hanggang sa Cavite ang haba at lawak ng reclamation na tinangka at karugtong ito ng pina-reclaim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
P3 bilyon ang sinabi noon ni Manong Ernie Maceda na napasakamay ng lahat ng mga korap mula sa Malakanyang hanggang sa Kongreso at ilang opisyal sa Metro Manila at Cavite.
Pero hindi natapos ang iskam dito, bagkus lumala dahil naganap sa dekadang ito ang pagtatayo ng mga independent power producer sa kuryente na nagpamahal nang todo sa kuryente sa Pinas.
Ngayon, halos lahat ay naghihirap dahil sa mahal na kuryente at tanging ang mga may negosyo rito ang sobra-sobra ang yaman, kasama na ang gobyerno na natutuwa sa pagkakaroon ng malaking buwis at pakinabang sa mahal na kuryente.
$2.3B BPP
NAUNA sa lahat ng mga nabanggit na iskam sa proyektong kinasasangkutan ng mga dayuhan ang Bataan Nuclear Power Plant.
Ang $600 milyong Westinghouse nuclear power plant ay naging $2.3 bilyon dahil hinuhulog-hulugan itong bayaran ng gobyerno sa kung ilang taon.
Nagsimula rin ito sa kikilan na nagkakahalaga ng $17-30 milyon at napasakamay ang pagtatayo ng proyekto sa kompanyang Burns and Roe.
Naghirap ang buong bayan dito dahil napakalaki taon-taon ang ibinabayad ng gobyerno sa utang.
Inaagaw noon ng pambayad sa utang ang mga pondo na dapat sana ay para sa edukasyon, kalusugan, housing at marami pang iba.
Sey n’yo, mga Bro?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PINOY NAGHIHIRAP SA TULOY-TULOY NA ISKAM appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment