LABAG sa moralidad ng kultura ng Pinoy ang ginawang pautot ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ito ay patungkol sa kanilang patalastas na ang pangunahing punto ay dagdagan pa ang pasugalan sa buong bansa upang madagdagan ang mga lamesa at upuan sa mga ating mga paaralan.
Gaya nang naipunto ko kamakailan, hindi ubrang pilipitin ang mali upang maging tama, wasto…korek dahil kahit kailan ay walang moral na dahilan ang pagtataguyod ng sugal – ligal man o iligal.
Ang ipinagtataka ko ay kung bakit naganap ang ganitong uri ng pautot ng PAGCOR gayung nariyan itong si Maricar Bautista o mas kilala raw sa tawag na Ma’am Maricar.
Bakit ika ninyo? Para kasi akong tinayuan ng balahibo nang matuklasan ko na itong Ma’am Maricar ang siyang Associate Vice President for Corporate Communications ng PAGCOR.
Ibig sabihin, itong si Ma’am Maricar ang responsable sa paggawa ng mga pautot diyan sa PAGCOR na sa aking pananaw ay maituturing na imoral dahil usapang pasugalan ang tema.
Kung ako kay Ma’am Maricar ay ipatitigil ko ang mga ganitong uri ng pautot de patalastas dahil bukod sa imoral ay tiyak na kuwestyonable ito sakaling tawasin ito ng Commission on Audit (COA). Pustahan tayo, Ma’am Maricar!
Mantakin ninyo! Milyung piso ang ginagastos ng PAGCOR sa walang katorya-toryang pautot samantalang hindi naman dapat ito ang prayoridad ng ahensya. ‘Di ba, taumbayan?
Ang lalo pang nagpatayo ng balahibo ko ay nang matuklasan natin ang ugatpak ni Ma’am Maricar pero tila nalimutan na nito ang kanyang pagiging Iskolar ng Bayan.
Para sa inyong kaalaman, si Ma’am Maricar ay isang matalinong tao mula sa Unibersidad ng Pilipinas na nagtapos sa kursong dyornalismo at mula doon ay nagtrabaho din siya sa dalawang respetadong kompanya ng media – telebisyon.
Tanong lang, Ma’am Maricar. Ano na ang nangyari sa iyong katalinuhan kung kaya’t pumayag ka sa imoral na pautot ng PAGCOR sa ilalim ng iyong superbisyon.
Nalimutan mo na ba ang ideolohiya ng isang tunay na Iskolar ng Bayan at marangal na mamamahayag ng telebisyon mula nang maupo ka riyan sa PAGCOR – ang promotor ng pasugalan sa buong bansa. Hiya-hiya naman ‘pag may time!
Para sa inyong suhestyon o komento: 09237397389
The post PAUTOT NG PAGCOR, IMORAL! appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment