Monday, March 2, 2015

Jolo, nasa mabuti nang kalagayan

SA kabila ng seryosong kondisyon, tiniyak ng kampo ng pamilya Revilla na ligtas na sa kapahamakan si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla sanhi ng tinamo nitong tama ng bala sa dibdib makaraang aksidente nitong mabaril ang sarili kamakalawa ng umaga.


Ipinahayag kahapon ng tagapagsalita ng pamilya Revilla na si Atty. Raymond Fortun na “serious but stable” ang kasalukuyang kondisyon ng nasabing bise gobernador matapos ang aksidente mabaril ang sarili sa loob mismo ng tinitirhan ng kanyang magulang na sina Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Bacoor, Cavite Congresswoman Lani Mercado sa Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City nitong Sabado (Pebrero 28) ng umaga.


“Meron po siyang mga internal injuries pero nakausap ko siya, nakita kong lucid siya, coherent, nakakausap, nakakasagot naman sa mga tanong,” ani Fortun.


Kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) ng Asian Hospital ang batang Revilla at nakatakda itong sumailalim sa isang minor surgery para linisin ang tinamaang bahagi ng katawan at makaiwas na rin sa impeksyon.


Pansamantala munang tumanggi si Fortun na sabihing “out of danger” ang nabanggit na bise gobernador at hinihintay lamang ang assessment ng doktor nito.


Sa pahayag ng abogado ng pamilya Revilla, alas-9:00 ng umaga noong Sabado nang dumating si Jolo sa bahay ng kanyang ama at hinihintay ang inang si Rep. Lani Marcado-Revilla para tumulak sa isang lakad.


Habang naghihintay si Jolo ay naisipan nitong linisin ang kanyang government issued na firearm, isang glock 40 na handgun at aksidenteng umanong nakalabit nito ang baril at hindi nito akalaing may laman pala itong bala.


Tinamaan ng bala ang kanang dibdib ng batang Revilla at tumagos sa likuran nito.


Sinabi pa ni Fortun, sa kanyang obserbasyon, hindi naman aniya niya napansin na malungkot at depressed ang batang Revilla.


Ang naging pahayag nito ay dahil sa sinabi ni Lolit Solis, talent manager ni Lani Marcado, na dumaranas umano ng depresyon ang batang Revilla dahil sa sinapit ng amang nakadetine ngayon dahil sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.


Batid aniyang malapit si Jolo sa kanyang ama at posibleng apektado ito sa akusasyon laban sa amang senador pero usaping politika ito na inaaksyunan ng kampo ng mga Revilla.


Sinabi pa nito na walang basehan para mag-isip ang tao, na ito’y self-inflicted wound o ginawa niya nang intentional.


Kasalukuyang nag-iimbestiga ang Muntinlupa City Police kung aksidente ba nitong nakalabit ang nililinis na baril o nagtangka itong magpakamatay. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



Jolo, nasa mabuti nang kalagayan


No comments:

Post a Comment