Monday, March 24, 2014

TOWING PINAGKAKAKITAAN

_bong padua MULA sa nagkalat na vendors, ‘di masawa-sawatang illegal terminals sa Maynila, sakla at video karera operations, ang ‘di makatwirang towing ng mga sasakyan naman ang inirereklamo sa Maynila.


Isang towing company raw ang umiikot araw-araw sa Maynila at naghahasik ng lagim, ikinakarga sa dalang truck ang mga motorsiklo at hinahatak ang kahit anong uri ng sasakyan na kanilang madaanan.


Ang towing operations ay utos daw ni Vice Mayor Isko Moreno para malinis ang Maynila sa naghambalang na sasakyan.


‘Di masama ang paghahatak ng mga sasakyan pero dapat ay sa tamang paraan. Ang towing ay may kaakibat na responsibilidad para ‘di ma-violate ang karapatan ng may-ari ng sasakyan.


Tila, umaabuso raw kasi ang kompanya ng towing na inatasan ni Vice Isko dahil kahit maayos ang parada at ‘di nakaaabala sa kalsada ay hinahatak pa at pinapatubos ng P1,500 kada sasakyan.


Naalala ko tuloy ang Quezon City na minsan ay gumamit ng serbisyo ng towing na sa kalaunan ay nadiskubreng ginagamit pala ng isang politiko roon na pagkakitaan, kakutsaba ang towing owner.


‘Di natin sinasabi na ganyan ang nangyayari sa Maynila ngayon, pero kung tatahimik lang si VM Isko at hahayaang umabuso ang kinuha niyang towing firm, aba’y magdududa ang mga Manilenyo.


Sa dami ng nagagalit ngayon sa kanyang style, ‘di malayong sa basura siya pupulutin sa darating na eleksyon. ‘Di bida kundi kontrabida kasi ngayon ang tingin ng Manilenyo kay Vice Mayor.


SINO SI JUDE?


SA Maynila pa rin, sino si ‘Jude’ na palaging bulaklak daw ng bunganga ni Arce at Viceo kapag tinatangka ng awtoridad na lusubin ang kanilang sakla at VK operations.


Si ‘Jude’ ang ipinagmamalaking nagbigay sa kanila ng basbas para sa pagkakalat ng mga lamesa ng sakla at makina ng VK sa buong Maynila.


Dahil sa kaliwa’t kanang operasyon ng mga sugal na ito, marami na ang nalulong kaya ‘di malayong tataas ang holdapan sa Maynila.


Karamihan kasi sa mga player ay mga hirap na Manilenyo na nagbabakasakaling manalo, subalit kapag natalo ay manghoholdap para may maipanlaro.


The post TOWING PINAGKAKAKITAAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



TOWING PINAGKAKAKITAAN


No comments:

Post a Comment