TAINGANG-KAWALI ba o sadyang ampaw nga ang sistema na dumadaloy mula sa Malacañang ngayon? Aba, hindi na biro ang nangyayari na pahirap sa mamamayan ngayon.
Ang serbisyo ng LRT at MRT ay palala nang palala. Kilometrahe na ang inaabot ng pila na hindi naman nangyayari noon bago pumasok ang rehimen ni Pangulong Noynoy Aquino. Sunod-sunod ang pagkadiskaril ng kanilang tren!
Singliwanag ng galit na araw ang kapabayaan. Mga boss ba ng LRT at MRT o hepe mismo ng DOTC? Iyan na ba ang resulta ng inyong kapabayaan? Iyan na ba ang resulta ng korapsyon na umalingawngaw sabit ang kapit ng Pangulo noon?
Iniba ninyo ang kontraktor na magmimintine sa hindi malaman kung magkano ang dahilan. Inalis ninyo ang kontrata mula sa propesyonal na gumagawa at magdadala sana ng mga bagong bagon o coaches sa hindi rin malaman kung magkano ang dahilan. Hayan ang resulta, diskaril maya’t maya, kaliwa’t kanan! Hindi ninyo nararamdaman ang pasakit, pahirap sa mga mananakay ng MRT at LRT dahil sa magagara at bago ninyong sasakyan. Kayo kaya ay obligahin na roon sumakay hindi lang sa tren ng LRT at MRT kundi sa PNR lang?
Ni wala tayong marinig man lang kay G. Aquino. Takot ka ba na sabunin ang iyong mga opisyal at kaalyadong pabaya kung hindi man walang alam sa pamamahala?
Saan nga ba kayo kumukuha ng kapal ng inyong mukha para patuloy na magtaingang kawali sa lumalala na probelam sa transportasyon? Ginawa ang perokaril na iyan para mapabilis ang takbo ng buhay, transportasyon at ekonomiya. Ampaw nga. ‘Yun nga lang escalators at elevators bago kayo naupo sa Malacañang, kapag nasira, ilang araw lang gawa at buo na. Malaking tulong ito sa mga pasaherong may kapansanan at matatanda na.
Matatapos na ang inyong termino. Baka pag-alis ninyo, sira nang lahat iyan! Dalawang taon na lang kayo sa serbisyo, G. Pangulo. Wala pang napapala ang bansa at taumbayan ng kongkretong aksyon kundi puro kuwento na wala namang nakikitang katuparan. Katulad na lang ng huling inilabas ng COA na sangkot ang inyong rehimen sa maanomalayang pork barrel. Sabi ninyo, wala kayong alam o ignorante sa kasong iyan?
Ang matindi, inaakusahan ninyo na dating mga tauhan ni dating Pangulong GLORIA MACAPAGAL-ARROYO marahil ang gumawa. Susmarya ka! Presidents come and go but the civil servants stay and continuously work there, they die there! Taingang kawali nga, ampaw pa kayo!
The post TAINGANG-KAWALI BA O SADYANG AMPAW NGA? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment