BILIB na sana talaga ako rito kay Sen. Serge Osmeña dahil talaga namang hindi nito inuurungan si PNoy. Talagang ang tindi ng mga banat nito sa Pangulo at talaga namang maniniwala ka na nagmamalasakit lamang siya sa bayan kaya’t isinantabi na muna niya ang pagiging kaibigan ni PNoy upang ipamukha ang pagiging walang kwenta nitong lider ng bansa.
Kung ‘di mo kilala itong si Sen. Serge at kung ano ang mga nakatagong agenda nito, tiyak na papalakpakan mo siya at baka nga udyukan mo pa siyang tumakbo bilang pangulo ng bansa sa 2016.
Abah, saan ka pa? Lahat na yata ng “M” ay taglay nitong si Sen. Osmeña – Matapang, Matalino at May Malasakit sa Mamamayan.
Ang problema nga lang ay may itinatagong agenda itong ating magiting na Senador at walang kinalaman dito ang kapakanan ng bayan.
Noong nasa rurok ang popularidad nitong si PNoy, isa itong si Sen. Serge sa mga politikong nakikipag-unahan upang sumipsep sa kanya. Noon, wala kang marinig na ‘di maganda tungkol kay PNoy mula kay Sen. Serge. Puro papuri ang ating naririnig mula sa kanya.
Fastbreak tayo sa kasalukuyan. Tila biglang nagbago ang ihip ng hangin at ngayo’y puro batikos na ang ibinabato nitong si Sen. Serge sa kanyang dating iniidolong si Pnoy. Bakit kaya ganoon?
Anong masamang hangin kaya ang pumasok sa tiyan ni Sen. Serge at mukhang bigla na lang siyang nagmamaktol?
Well, mukhang nagsimula lang naman na gigil na gigil itong si Sen. Serge kay PNoy nang tumanggi ito na tanggalin sa pwesto si Energy Secretary Jericho Petilla.
Hindi natin ipinagtatanggol si Petilla dahil totoo naman na bitin pa ang ipinapakita nitong tikas sa trabaho. Pero kahit ganyan na may pagkukulang si Petilla, siya ang naging katuwang ni PNoy sa ginagawang pagsawata ng pamahalaan na pang-aabuso ng MERALCO.
Hangga’t kayang makalusot ay talagang walang humpay kung gumawa ng kabalbalan itong MERALCO na pag-aari ng pamilya Lopez. Hindi ba’t ilang beses nang nabuking ang MERALCO sa mga ginagawa nitong tongpats sa kanilang mga kustomer?
Hmnnn… teka, hindi ba’t ang dyowa nitong ni Sen. Serge ay si Bettina Lopez? Hindi ba’t itong mga Lopez ay kabilang ngayon sa mga pangunahing player sa power industry at itong sina Sen. Serge naman ay ang pinuno ng Senate Committee on Energy?
Sa madaling salita, nanggagalaiti itong si Sen. Serge kay Petilla at pati na rin kay PNoy dahil tila nababawasan na ang lakas ng kabig ng mga Lopez samantalang noong mga nakaraang administrasyon ay halos lahat ng pabor ay ibinibigay sa kanila?
Ayunnnn. Gets ko na kung bakit kumukulo ang dugo ni Sen. Serge sa kanyang ex-idol na si PNoy. Hindi lang pala siya pinagbigyan kaya ayun, para siyang nagme-menopause na matrona. Kayo gets niyo na?
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post ANG TUNAY NA AGENDA NI SERGE appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment