KUNG Marikenyo ka at ‘di ka pa umasenso sa iyong pag-aaral, ikaw na malamang ang may diperensya.
Wala nang ibang sisisihin kundi ikaw. Bakit kamo?
Libre na ang elementarya at high school sa mga public school ng Marikina.
May daycare na, may Alternative Learning System pa! Pagdating naman ng kolehiyo ay napakamura ng binabayad sa Pamantasang Lungsod ng Marikina.
At hindi lang basta-basta ang standards at kalidad ng edukasyon sa PLMar. Nu’ng panahon ng pamangkin kong si Benjie Dayag at kapitbahay na si Macmac Tabuzo ay pareho nilang naipasa ang Nursing Board exam ng sariling sikap lamang.
‘Di sila nag-enroll sa review center. Ibig sabihin nu’n, sapat ang natutunan nila sa PLMar para pumasa. Si Tabuzo ay nurse na ngayon sa BJMP Navotas, samantalang si Dayag ay malapit nang pumunta sa Ireland para madestino roon.
Isang halimbawa pa lamang ‘yan kung papaano napaginhawa ng magandang edukasyon (na may kasamang pagsisikap) ang buhay at kinabukasan ng ating kapwa Marikenyo.
Ang indikasyon pa para sa akin na maayos ang programa ng Marikina sa edukasyon ay ang bilis magkatrabaho ang mga dating OJT namin sa Public Information Office. Sina Maretony Baldoza, Christian Pila, Mikko dela Cruz, magkapatid na Mary Ann at Roxanne Jocson ay iilan lamang sa mga maabilidad na estudyante ng Marikina na ngayo’y kumikita na nang maganda sa mga opisina ng Ortigas, Makati, atbp.
Sana makita ng mga Marikenyo, lalo na ang mga kabataan natin, ang kahalagaan ng isang diploma. Iba talaga ang may pinag-aralan lalo na sa mga panahon ngayon na tinataasan na ng ibang bansa ang educational qualifications ng mga nais magtrabaho sa kanila.
‘Yan ang nais ipamana ng ating mga pinuno at opisyal ng Lungsod ng Marikina sa ating mga residente. Magmula kay Mayor Del R. de Guzman, kay Vice Mayor Jose Fabian Cadiz, Rep. Miro Quimbo atbp. – maging ang mga naunang punong bayan at iba pang opisyal noong panahon nina dating Mayor Bayani at Marides Fernando.
Mapalad ang mga Marikenyo dahil ginawa talagang priority ng aming mga opisyal and edukasyon at pagkakaroon ng diploma. Pinarami, pinalaki at ginawang maaliwalas ang mga paaralan.
Si Congressman Miro nga ay napakalaking budget ang binuhos para sa mga karagdagang silid aralan at gusali.
Malaking bagay rin ang papel na ginampanan ni Konsehala Eva Aguirre Paz at iba pang konsehal.
Nawa’y ‘di masayang at mapunta sa wala ang lahat ng pagsisikap na ito na lalong mapaunlad ang buhay ng bawat pamilyang Marikenyo.
Tandang-tanda ko pa nang mabanggit ni Mayor Del noong 2010 ang kanyang pangarap at intensyon na paramihin ang mga breadwinner sa bawat household ng Marikina.
Ang mga Marikenyo na ang makapagsasabi kung natutupad ito o hindi.
The post DIPLOMA SUSI SA MAGANDANG KINABUKASAN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment