2015 na halos. Ilang tulog na lang. Sa ayaw at sa gusto ng mga awtoridad natin, marami pa ring Filipino ang magpapaputok! Anoman na putok, malakas o mahina, basta, magpapaputok sila para salubungin ang Bagong Taon 2015.
Wala halos yatang nakapuna. Habang abala ang mga kababayan natin na namimili ng pamasko, puno naman ng balitang politikal ang lahat na diyaryo, radyo at telebisyon – isama ang mga blogsite sa Internet – politiko at politika pa rin.
Hindi na dapat umiyak pa si resigned (?) DOH secretary Enrique Ona. Opo, politiko at politika ang pagsibak sa inyo ng Malacañang.
Apat na taon kang naglingkod sa rehimen ni Don Benigno Aquino III, alam mo iyan!
Nag-resign nga ba si OPARR Secretary Panfilo Lacson dahil tapos na raw ang kanyang misyon? Ayaw kong maniwala na ‘yun ang dahilan.
Pakituro nga kung saan at alin ang natapos niya sa mga biktima ng Yolanda?
Ang alam natin, pinaghahanda na si Ping para pumalit kay Interior sec Mar Roxas para makapaghanda na si “LP sentimental presidential choice” Mar Roxas para sa national election 2016. May tama ba?
Ayaw ko, gusto ko – ang sabi ni Justice secretary Leila de Lima nang pumutok ang balita na siya ang ipapalit kay retiring Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. Ayaw dahil wala naman daw pasabi.
Tatanggapin ng buong puso kapag inalok na raw siya?
Papaano kaya kung gustuhin ni Presidential Executive Secretary Jojo Ochoa ang Comelec? Ano sa palagay mo, Atty. Romy Macalintal?
Si Atty. Mac ang orihinal na pinili ni BS Aquino pag-upo sa Malacañang pero mas ginusto ng batikan na Comelec lawyer na maging isang tahimik na private citizen.
Sa manibela ni PNOY, hindi niya ugali ang mag-alis at magpalit ng tauhan. Ganyan siya bilang kaibigan pero puro kaibigan lang ba ang kanyang pagbibigyan?
Papaano ang sambayan, Mr. President?
Sana regaluhan mo ang taumbayan. Alisin na ‘yung mga sobrang sunog na miyembro ng iyong gabinete.
Palitan mo na rin ‘yung mga sobra-sobra na ang kinita sa kanilang puwesto.
Alam at kilala mo naman sila. Hindi mo ba kayang pasayahin kahit kaunti na lang ang iyong taning sa Malacanang, sir?
Bagong taon na. Walang palitan. Walang balasahan.
Ang isang tiyak, magbabago ng ilang puwesto ang Malacañang at kaalyadong mga partido para masiguro raw nila na sila pa rin ang maghahari sa eleksyon 2016.
Well, kung iyan ang sa palagay ninyo ang tama, go ahead.
Makiramdam lang sana kayo at matuto sa pagbasa ng simoy ng hangin! BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment