Sunday, December 28, 2014

ANG REYNA NG MGA BATUGAN SA KONGRESO

ANO itong nabalitaan ko na maliban sa napakaigsing suspensyon lamang ang naging kaparusahan ng isang opisyal ng Mababang Kapulungan na naharap sa iba’t ibang uri ng administrative case ay nagmamatigas pa na tanggapin ito? Ganyan na ba kainutil ang pamunuan ng Mababang Kapulungan, partikular na rito ang kanilang Disciplinary Board?


Pamilyar ako sa kaso nitong opisyal na ito ng Public Relations and Information Division (PRID) ng Mababang Kapulungan dahil mula’t sapul ay talagang marami na ang nagrereklamo sa kanyang katamaran. Isa ito sa mga napakaraming kawani ng pamahalaan na pinasusweldo ng taumbayan upang maglakwatsa lamang.


Ito ang dahilan kung bakit noong panahon ni dating Speaker Prospero Nograles ay inilipat ito sa Archives upang mawalan ito ng dahilan sa kanyang malimit na pagpasok kapag halos lahat na ng kawani na naghahanda na para magsiuwian.


Kasagsagan kasi ito noon ng digitization ng Mababang Kapulungan kaya sa rami ng trabaho ay iniisip noon ng pamunuan na sa pamamagitan nito ay wala na itong maaaring gamiting dahilan upang maging late lagi sa pagpasok.


Aba, sa halip na tumino ang loka ay lalo pang lumala ang pagiging Reyna ng mga Batugan (RB) nitong opisyal na ito at tuluyan na ngang hindi pumapasok sa trabaho. Nalaman na lang namin na nasa Amerika na pala ito at doon na naglalamiyerda. Ang matindi nito ay patuloy pa rin itong tumatanggap ng sweldo at allowances na nagmula sa buwis ng taumbayan. Ang sarap ng buhay ano?


Noong natapos ang termino ni Speaker Nograles at pumalit si Speaker Sonny Belmonte ay agad naghanap ng masisipsipan itong opisyal na ito upang makabalik sa PRID at noong nakabalik ay balik sa dating gawi ito. Papasok lamang siya kapag type niyang pumasok.


Dahil dito ay mukhang napuno na rin ang ilan sa kanyang mga staff at sila na mismo ang nagsampa ng reklamong administratibo laban sa kanya. Saan ka naman kasi nakakita ng ganyang opisyal na bukod sa nuknukan ng pagiging tamad ay napakamaldita pa nito?


Ngunit dahil hindi rin kasi basta-basta ang magpatalsik ng isang empleyado o opisyal ng gobyerno, lalo pa’t may permanent position ito, dumaan ng napakahabang paglilitis ang naturang reklamo ng kanyang mga sariling staff.


Ang nakapagtataka ay kung bakit simpleng suspensyon lang ang naging kaparusahan ng isang opisyal na kung tutuusin ay sinisibak na dapat sa gobyerno. Halos dalawang taon ang ginawang paglilitis at suspension order lamang ang parusa?


Aba, kung ganyan pala na sipsip ka, eh, ganyan lang pala ang kaparuhasan kahit halos araw-araw kang late pumasok at tadtad ka ng absent? At ang mas matindi nito ay ayaw raw tanggapin ng opisyal ang kanyang suspension order at gusto pa nitong iapela kay Speaker Belmonte. Ang kapal mo naman!


Hindi ko alam kung ano ang ipinakain nitong opisyal na ito kay Speaker Belmonte dahil napaglipasan na ito ng asim kaya’t duda akong nadala ito sa kindat. Ang lalo kong ipinagtataka ay kung bakit pumayag naman si Secretary General Marlyn Barua-Yap habang kilala ko naman ito na matino at istrikto pagdating talaga sa trabaho.


Aba’y kung ganyan din lang pala ay dapat magsipsip na lang nang magsipsip ang taong-gobyerno para kahit hindi pumasok ay tuloy pa rin ang sweldo! BIGWAS/GIL BUGAOISAN


.. Continue: Remate.ph (source)



ANG REYNA NG MGA BATUGAN SA KONGRESO


No comments:

Post a Comment