MULA 113, pumalo na sa 130 ang bilang ng nasugatan dahil sa paputok.
Ayon kay acting Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin, anim sa mga biktima ay naputulan ng daliri habang 25 ang nagtamo ng eye injury.
Abot naman sa 66% ang kabuuang bilang ng sugatan dahil sa piccolo.
Pinakamarami umano ang nabiktima sa Maynila pati sa Western Visayas na malapit sa pagawaan ng paputok.
Mas mababa umano ito kumpara sa naitalang firecracker-related injuries sa nakalipas na limang taon, ngunit mas marami ngayon ang naputulan ng daliri at may posibilidad pang mabulag.
Matatandaang mahigpit nang ipinagbabawal sa Davao City ang paggamit ng paputok at nakakumpiska na rin ng mga iligal na paputok sa Bocaue, Divisoria at iba pang lugar.
Samantala, tinamaan ng ligaw na bala ang isang 7-taong gulang na bata sa Bgy. Bagong Silang, Lumban, Laguna nitong Linggo.
Sa ulat, naglalaro ang biktimang kinilalang si Isaac Ruda sa sala ng kanilang bahay kasama ang nanay na si Cecilia nang tamaan ito ng bala sa likuran ng ulo.
Isinugod ang biktima sa Christian General Hospital sa Pagsanjan habang naaresto naman ang suspek na si Mario Cortez, 56, jailguard sa Laguna provincial jail.
Maraming beses na umano itong inireklamo dahil sa pagpapaputok ng baril tuwing nakainom.
Tinanggalan na umano si Cortez ng service firearm ngunit mayroon itong isang hindi lisensyadong kalibre .22. Minsan na ring nakulong si Cortez dahil sa kasong indiscriminate firing.
Hindi na narekober ang baril ng suspek subalit nagpositibo ito sa paraffin test.
Kasalukuyang nagpapagaling ang bata ngunit umaapela ang Pamilya Ruda ng tulong pinansyal na pambayad sa gamot at gastos sa ospital. NENET L. VILLAFANIA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment