Sunday, December 28, 2014

MAY GUTOM AT KALBARYO SA MRT-LRT FARE HIKE

PARA sa araw-araw na pasahero ng Metro Rail Transit-3 at Light Railway Transit 1 at 2, magiging kalbaryo para sa kanila ang pagtataas ng pasahe o fare hike sa nabanggit na mga tren.


Sa hanay lalo na ng mga obrero na ang nakararami ay hindi umaabot sa minimum wage ang kita at kung aabot man ay tinatapyasan ng malaki ng mga “labor agency o labor contractor” kung tawagin, mahirap na nga ang pag-akyat nila sa kalbaryo ng buhay, may pasan-pasan pa silang mabigat na krus dahil sa dagdag-pasahe.


FARE HIKE


Ayon sa Department of Transportation and Communications, aabot ang taas-pasahe sa P29 o kabuuang P58 para sa round trip na diretsong biyahe ng LRT-1 na Roosevelt-Baclaran.


Aabot din ang taas-pasahe sa P24 o kabuuang P48 para sa round trip sa LRT-2 na biyaheng Recto-Santolan.


Sa MRT-3 naman, aabot sa P28 o P56 para sa round trip na biyaheng North Avenue-Taft Avenue.


GUTOM


Nangangahulugan ang taas-pasahe ng gutom, mga Bro. Bakit?


Aba, sisikwatin ng fare hike ang halos katumbas ng isang kabang bigas-NFA sa kanilang maliit na sahod na karaniwang maliit ang natitira dahil sa mga kaltas para sa Social Security System, Pag-IBIG, Income Tax at value added tax sa kanilang mga bilihin.


Ang fare hike para sa LRT-1 ay may kabuuang halaga na P1,478 para sa 26 araw na biyahe para sa obrero. Aabot naman sa P1,248 ang para sa LRT-2 samantalang aabot sa P1,456 ang para sa MRT-3.


Ang NFA rice na P27 kada kilo ay nagkakahalaga ng P1,350 bawat kaban. Malinaw na isang kabang bigas ang madadale mula sa maliit na sahod ng mga obrero sa loob ng isang buwan.


Hindi ba malinaw na may gutom dito?


KALBARYO


Heto pa ang masakit, mga Bro.


Sa akala ba ninyo ay langit ang pagsakay-sakay sa MRT-LRT? Nakupo, ang MRT-3, sobrang bagal sa takbong 15 kilometro bawat oras.


Ang masakit, ‘pag sumakay ka sa North Avenue at bumaba ka sa Taft Avenue, rayuma at pagkahilo na ang aabutin mo dahil sa siksikan na pasahero.


Mabuti pa ang sardinas at may mga pagitan ang mga isda sa loob ng lata, pero sa mga tren na ito, tuloy-tuloy ang balyahan mula sa pagsakay hanggang sa pagbaba. Ganito rin ang nagaganap sa LRT-1 at LRT-2.


Dagdag na kalbaryo ang aabutin mo, Bro, kung pinatayan ng aircon ang mga bagon dahil sa sobrang siksikan, napakainit na sa loob. Ang mga may sakit sa puso at hika, buntis, matatanda at may kapansanan ang hirap na hirap dito.


Ang mga anak ng tipaklong, sa kabila ng mga katotohanang ito, may gana pa silang mag-fare hike.


P10B SUBSIDYO


Sabi ng gobyerno, nasa P10-bilyon ang subsidyo o gastos nito na puro palabas lang sa kaha de yero nito para lang tumakbo at magserbisyo ang tren sa mga mamamayan. Sobrang bigat umano ito sa bulsa ng mga awtoridad.


Kung itataas ang pasahe, makatitipid umano ang gobyerno ng nasa P2B at pupwedeng ilaan ito sa ibang pagkakagastusan. Maaaring gaganda na rin umano ang serbisyo ng tren.


May katwiran sila.


KAPALPAKAN AT ANOMALYA


Ayon naman sa mga nakasisilip sa mga nagaganap sa loob ng management ng tren, may mga hindi nililinaw ang pamahalaan na mga matitinding problema. Halimbawa na lang umano ang mga mismanagement o palpak na pamamahala at anomalya sa mga transaksyon sa tren.


Kabilang sa mga nakapaloob sa kapalpakan at anomalya ang umano’y overpricing sa pagtatatag ng mga tren mismo, iskam sa pagpili ng mga namamahala sa mantinansya at operasyon at iba pa.


Dapat umanong ang mga ito ang unahin ng gobyerno sa halip na ipapasan sa taumbayan ang gastos.


Isa pa, may lumalabas na ulat na hindi naman nalulugi ang mga tren at sa halip ay kumikita ang mga ito, lalo na kung iisiping araw-araw na overloaded ito sa pasahero.


Dagdag pa, may kung ilang bilyong pondo ang inilalaan taon-taon ng gobyerno para sa kabuuang operasyon ng tren na may kaduda-dudang pinaggagamitan gaya ng “double entry” sa badyet para sa taong 2015.


GRASYA SA POLITIKO


Habang nakaamba sa Enero 4, 2015 ang pagtataas ng pasahe na sinasabing ikatitipid ng gobyerno ng nasa P2B, todo larga naman ito ng pondo para sa mga politiko kaugnay ng halalang 2016.


Ang inihabol na nasa P24B dagdag-badyet sa pambansang badyet sa 2015 para umano sa rehabilitasyon ng mga na-Yolanda ay malamang umano na kapalit ng diniskaril ng Supreme Court na Priority Development Assistance Fund nagkakahalaga ng taunang PDAF noon ng mga senador at kongresman.


Ano ba’yan! Pahihirapan at gugutumin ng mga korap ang mga mamamayan sa MRT-LRT fare hike pero tuloy ang pagpapaulan ng grasya sa kanilang mga sarili. Gabaan din kayo!


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



MAY GUTOM AT KALBARYO SA MRT-LRT FARE HIKE


No comments:

Post a Comment