BINIGYAN ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City ang sampung indibidwal dahil sa iniambag na kontribusyon ng mga ito sa kani-kanilang larangan upang higit pang makilala ang kanilang lungsod.
Kabilang sa mga naging batayan sa pagkilala sa sampung ito ang kanilang pagiging tapat, dedikasyon at integridad sa kanilang propesyon kaya noong December 19 ay nabigyan ang mga ito ng award, kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-97 founding anniversary na idinaos sa city hall grounds.
Ayon may Mayor Jaime Fresnedi, karangalan nila ang magkaroon ng mga tapat na residente dahil sa pamamagitan nito ay mas lalo pang makikilala ang kanilang lungsod na may mga taong tapat sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Nakilala ang mga pinaranganalan na sina Dionisio Alog ng Ayala, Alabang; Mark Lester Collmar at Sherwin Gonzales ng Lomeda; Putatan; Danilo Carandang ng Bayanan; Dino Canlas ng Poblacion; Rowena Hibanada ng Cupang; Felicitas Rabonza ng Alabang; retired Chief Supt. Roberto Rongavilla ng Buli; at Daisy Rodenas at Leonora Calubaquib ng Tunasan.
Kinilala rin ng lokal na pamahalaan ang iba pang Muntinlupeños na nakapagbahagi ng malaking kontribusyon sa kanilang lungsod at ito ay sina dating Mayor Atty. Ignacio “Toting” Bunye, Olympian Michael Martinez, Third Domingo at composer Edwin Marollano.
Ang pagbibigay na ito ni Mayor Fresnedi ng pagkilala sa mga natatanging residente ay isang paraan upang mahikayat ang iba pa na maging tapat at responsable sa kanilang napiling propesyon.
Kasabay nito, binati rin ng alkalde ang lahat ng mamamayanan ng Muntinlupa sa kanilang pagdiriwang ng ika-97 founding anniversary at nangako pa ito na higit pa nilang pagbubutihin ang pagbibigay ng tapat na serbisyo para higit na umunlad ang kanilang pinakamamahal na lungsod.
Sinabi pa ni Fresnedi na sa mga susunod na taon ay marami pang proyekto ang kanilang inilaan para mabigyan ng mahusay na serbisyo ang mga Muntinlupeño.
Kahanga-hanga ang dedikasyon na ito ni Mayor Fresnedi at kitang-kita natin sa kanya ang tunay na pagbibigay ng serbisyo sa kanyang mga nasasakupan at hindi tayo magtataka kung magtatagal pa ang kanilang pagsisilbi sa tao dahil na rin sa kanilang napakagandang performance.
Magpatuloy ka, Mayor Fresnedi, sa pagbibigay mo ng tapat na serbisyo publiko at naniniwala ako na ang mga katulad mo ang katulad ng ating bayan para tuluyan nang mabago ang maling palakad sa gobyerno ng ilang pasaway na politiko. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment