NAGKAKAROON ngayon ng panawagan na suspendihin si Pambansang Kamao at Sarangani Representative Manny “Pacman” Pacquiao dahil sa madalas nitong pagliban sa sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam kay dating Senador Rene Saguisag, nararapat lamang umano na gumawa na ng aksyon ang Kamara upang mabigyan ng suspensyon si Pacquiao at iba pang kongresista na madalas na lumiban sa Kongreso.
Kabilang si Pacman sa anim na kongresista na madalas na hindi dumadalo sa mga sesyon sa Kongreso kaya isa ito sa dahilan para hilingin ni Saguisag sa mga mambabatas na bigyan ng parusa ang Pambansang Kamao.
Ayon kay Saguisag, masyadong maraming ginagawa si Pacquiao dahilan upang palagi itong wala sa sesyon at kabilang sa mga pinagkakaabalahan nito ay ang kanyang pagiging boksingero, paglalaro ng basketball, anchor sa TV at iba pa.
Si Pacman ay pang-anim sa mga kongresista na madalas na wala sa sesyon at kasama sa listahan sina Gloria Macapagal-Arroyo; Abdullah Dimaporo; Joseph Stephen Paduano; Julio Ledesma, IV; at Rolando Andaya.
Base sa record ng mababang kapulungan ng Kongreso sa 16th Congress, simula July 22, 2013 hanggang June 11, 2014, si Pacquiao ay nakadalo lamang ng 38 sa 69 regular session; Andaya, 36; Ledesma, 32; Paduano at Dimaporo, 5 at GMA, 0.
Ang pagiging abala ni Pacman sa kanyang iba pang aktibidades ang nagiging dahilan kung bakit ito madalas na wala sa sesyon kaya ang pagbibigay ng parusa sa ating pambansang kamao ang isa sa nakikitang paraan ni Saguisag upang mabigyan daw ito ng leksyon.
Isa rin sa ikinatatakot ni Saguisag na sakaling tumakbo at manalo bilang senador si Pacman sa 2016 election, ay patuloy pa rin itong magiging wala sa mga sesyon na alam naman nating lahat na lubhang mahalaga ang attendance ng bawat isa.
Ang payo na lamang siguro natin sa ating Pambansang Kamao ay tutukan na lamang nito ang kanyang mga darating na laban, lalo na ang napipinto nilang sagupaan ni Floyd Mayweather, Jr. sa darating na Mayo, 2015.
‘Yan ay kung matutuloy.
Kung talagang gusto ni Pacquiao na magsilbi sa taumbayan ay tapusin na muna nito ang kanyang career sa boxing maging sa basketball upang matutukan niya ang kanyang gagawing paglilingkod sa bayan.
Say mo, Kong. Pacquiao? ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment