Tuesday, March 25, 2014

NAGDIDILIM NA ANG BORACAY?

experto MARUMI na ang tanyag na pasyalan sa lalawigan ng Aklan na kung tawagin ay Boracay?


Sayang naman kung hahayaan ng ating gobyerno kung tuluyan nang wasakin ng mga turista ang lugar na ito na tambayan ng mga taong nais mag-party-party sa tabi ng dagat.


Kamakailan ay napunta ako sa lugar na ito sa ikalawang pagkakataon mula noong 2011, pero laking gulat ko sa sobrang laki ng pinagbago ng lugar na aking ikinalungkot.


Dumami na ang mga gusali sa mismong isla ng Boracay kasama ang mga restaurant at bahay-inuman ng alak na may kasamang tugtugan kaya ‘to the max’ talaga ang party.


Pero ang ikinalungkot ko ay kung paano ang dati’y maayos na lugar ay pinasok na ngayon ng mga taong hindi kanais-nais ang kalagayan tulad na lamang ng mga nagkalat na nanghihingi ng limos sa mga turista. Nasaan ang gobyerno?


May mga kababayan pa tayo na nanlilimahid ang hitsura na nag-aalok ng kung anu-ano tulad ng pagsakay sa bangka para maikot ang buong isla pero hindi dapat sapitin ng mga kababayan natin ang ganito sa mismong bayan natin.


Dapat ginawa na lamang ng Philippine Tourism Authority (PTA) na ilagay sa kanilang kontrol o regulasyon ang ganitong aktibidad sa isla para hindi naman mukhang gusgusin ang mga kababayan natin sa harap ng mga dayuhan.


Nang ako’y magtampisaw sa dagat ng Boracay, aba’y umitim na pala ang kulay kung ihahambing nang magpunta ako roon may tatlong taon na ang nakalipas. Sangkatutak na rin ang lumot.


Napabayaan na ba ang Boracay? Napabayaan o pinabayaan talaga?


Wala na bang pakialam ang gobyerno basta ang importante ay malakas ang kalakalan ng negosyo?


Kapag hindi kumilos nang wasto ang mga inutil na opisyal ng gobyerno diyan sa Boracay, pagdating ng araw, parang nasa Quiapo at Ermita doon sa Maynila ang katayuan ng Boracay.


Bakit ika ninyo? Masaya sa gabi at maraming turista pero lugar kung saan talamak ang putahan, mataas ang antas ng krimen at sira-sirang kalikasan tulad ng Manila Bay na saksakan ng itim ang tubig.


Hoy, gobyerno! Lalo na ang Department of Tourism (DoT) at Deparment of Environment and Natural Resources (DENR)! Bantayan naman ninyo nang maayos ang ipinagyayabang natin na BORACAY.


Mayor John Yap, isa ka pa!


Para sa inyong komento o suhestyon: 09237397381


The post NAGDIDILIM NA ANG BORACAY? appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



NAGDIDILIM NA ANG BORACAY?


No comments:

Post a Comment