BIBIGYANG daan ng Lily’s Files ang isang sulat at opinyon tungkol sa lumolobong dami ng mga kabataang kriminal hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas.
MAGANDANG araw po, opinyon ko lang po ito. Ano nga ba ang magagawa ng ating gobyerno sa lumalalang bilang o rami ng mga batang kriminal dito sa ating bansa?
Tila yata natabunan na ng naglalakihang issue ang bagay na ito, na kahit saan tayo lumingon ay nand’yan ang mga batang kriminal na halos ay nakakasama pa sa karamihan ng tao at lantaran natin itong nakikita at nasasaksihan sa kalakhang Maynila o pangunahing lungsod dito sa ating bansa.
Nagiging pugad nila ang mga matataong lugar na kung saan ay parang mga daga na nagsisipagtago sa mga alagad ng batas.
Lantaran din ang mga menor de edad sa paggamit nila ng mga solvent o rugby upang lumakas ang loob na gumawa ng masama.
Isa rin daw ito sa mabisang pantawid gutom sa kumakalam nilang sikmura dahil kapag sila’y lango na ay matutulog na lang sila sa mga tabi ng daan at presto – pawi na ang kanilang gutom.
Nand’yan pa naman ang mga tinatawag na “hamog boys” na malalakas ang loob na magpatawid-tawid sa kalsada at bigla na lang lalapit sa mga sasakyan, at mangungulimbat ng mga maaari nilang mapakinabangan.
Mayroon din namang mga nambabato at madalas ang habulan sa pagitan nila at ng kanilang biktima. Sino nga ba ang dapat sisihin sa mga nangyayaring ito? Sila bang mga menor de edad? O ang kanilang mga magulang? Sila ba’y sadyang pinabayaan? O nagkataon lang na sila’y ipinanganak na hikahos at mahirap?
Ano nga ba ang tunay na dahilan? Mahalaga siguro sa ngayon ay matutukan ang seryosong problemang ito ngunit sino nga ba ang kakampi ng mga batang ito? Mayroon nga kaya silang kasangga o maaasahan pa sa ating gobyerno?
Kung mayroon man, ano kayang paraan ang pinakamainam para masagip ang mga batang ito? Kailan kaya magbabago ang ganitong kalakaran sa mundo ng krimen na kanilang kinapalooban o kinasangkutan?
Kahirapan nga ba ang nagbunsod sa mga batang ito para gumawa ng masama sa murang isip nila? O baka naman talagang likas na rin sa mga ito ang gumawa ng masama?
Nand’yan din ang mga sindikato na gumagamit ng mga menor de edad sa paggawa ng krimen. Bata para ‘di makasuhan? Ganito ba ang batas? May eksempsyon nga kaya para ‘di makulong?
The post MGA MAHAHALAGANG TANONG UKOL SA MGA BATANG KRIMINAL appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment