DAPAT tayong mabahala sa napakabilis na pagkalat ng Human Immuno Virus-Acquired Immuno-Deficiency Syndrome sa mga kabataan.
Syempre pa, dapat din tayong mabahala sa mabilis na pagkalat ng nasabing walang gamot at nakamamatay na sakit sa hanay ng mga hindi kabataan.
EDAD 15-22
AYON sa National HIV/AIDS Registry, noong 2007 ay 12 porsyento lang sa kabuuang bilang ng mga biktima ang binubuo ng mga kabataan na may edad 15-22.
Pero tatlong taon makaraan, lumundag ang may HIV/AIDS na kabataang ito sa 31 porsyento.
Ngayong 2014 na, ano na ang kalagayan ng mga kabataan?
Wala pang malinaw na sinasabi ng Department of Health ukol dito pero sinasabing ang Pilipinas ang isa sa pitong bansa na may mabilis na dumaraming biktima ng sakit habang pababa na ang bilang ng mga ito sa nakararaming bansa.
KONTRIBUSYON NG KABATAAN
KUNG papansinin ang edad ng mga kabataang nabanggit, nasa kainitan sa sex ang mga ito.
Sinasabi ngang dahil dito, dumarami ang mga single mom o nagkakaanak na dalaga. Walang kasal-kasal hindi lang dahil sa hindi uso ang kasal kundi menor-de-edad ang marami sa mga ito na hindi puwedeng ikasal.
At dahil sa init ng katawan, pati ang mga lalaki ay nagkakastahan din.
Hanggang sa bumulaga na nga sa atin na ang sex ng mga lalaki sa lalaki ang pangunahing paraan nang pagkakaroon ng HIV/AIDS.
LALAKI SA LALAKI
SINASABI ni DOH Undersecretary Eric Tayag na nagbago na ang paraan ng pagkakaroon ng HIV/AIDS.
Kung noon ay nagkakasakit ang mga Pinoy sa sex ng lalaki at babae, ngayon ay bumaliktad na ang sitwasyon: sex na sa pagitan ng mga lalaki ang pangunahing dahilan ng pagkakahawa sa sakit.
Marahil, sanhi ito ng mabilis na pagbubukas ng mundo ng mga bading at maluwag nang tinatanggap ang mga ito bilang normal na bahagi ng lipunan.
Sa ibang bansa nga, eh, ikinakasal na ang mga lalaki at lalaki, kasama na ang mga babae at babae.
May mga Pinoy na ngang pumupunta sa ibang bansa upang doon sila magpakasal.
Sa gitna nito, ang higit na nakararami sa 20 porsyento na HIV/AIDS victims na overseas Filipino workers ay nahawa sa sex pa rin ng mga lalaki at babae.
Sabi ng DOH, 50% sa mga biktima ang may sex na lalaki sa lalaki, 34% ang sa mga bisexual at 15% lang ang sa mga lalaki at babae.
LIBO-LIBONG BIKTIMA
SA rekord, mga Bro, nasa 17,000 Pinoy na ang may HIV, 1,563 ang may AIDS at 938 ang namatay simula noong 1984 nang madiskubre ang walo kataong AIDS carrier sa Olongapo.
Bumulaga ang HIV/AIDS sa Olongapo habang nakatayo pa noon ang Subic Naval Base ng mga Kano.
Ang gusto nating malaman mula sa mga awtoridad, mga Bro, ay kung alin sa mga kabataan ang higit na nagkakasakit ng HIV/AIDS.
‘Yun bang === kung sino ang mas marami: estudyante o propesyonal na kabataan o out-of-school youth?
Halimbawang mas marami ang mga estudyante at propesyonal, ano na lang ang mangyari sa ating bansa?
Hindi natin sinasabi na walang kinabukasan ang mahal kong Pinas mula sa mga out-of-school youth pero normal na inaasahan natin ito mula sa mga estudyante at propesyonal.
MATH WIZARDS
NAKABUBUSOG ng dibdib ang rekord ng walo nating kabataan mula sa iba’t ibang eskwela sa bansa na sumali sa math contest sa bansang Romania.
Nasa 561 estudyante mula sa Romania, Bulgaria, Moldova, Serbia, Indonesia at Pilipinas ang naglalaban-labang estudyante at nakakuha ang mga Pinoy at Pinay ng tatlong gintong medalya, tatlong pilak, isang tanso at iba pang mga parangal.
Ganyan kagaling ang ating mga kabataang estudyante.
Pagkatapos, eh, maglalabas ang DOH ng rekord na mga kabataan ang pinagmumulan ng mabilis na pagdami ng HIV/AIDS.
Paano kung balang araw ay magulat na lang tayo na nahawa na pala ang mga kabataang ito sa nasabing sakit?
Alalahaning marami sa mga biktima ang hindi alam na nahawa na pala sila!
Nasa elementary at high school ang mga kabataan nating ito at ang mga nasa high school ay sakop na ng edad 15-24 na nahahawaan ng HIV/AIDS.
Sana naman, walang magkakaroon ng sakit sa mga ganitong kabataan na masasabi nating pupuwedeng magdadala ng Pinas sa magandang bukas.
SA CONDOM MAY PERA
PARANG pangunahing iniaasa ng DOH sa condom ang kaligtasan ng mga Pinoy mula sa HIV/AIDS.
Kaya nga, sinasabi nitong magpapaulan ito ng condom sa lahat ng entertainment center sa Metro Manila lalo’t 50% ng mga biktima sa buong Pinas ang matatagpuan dito.
Pero bakit condom? Wala bang maiisip ang DOH na ibang paraan sa pagkontrol sa sakit?
Wala ba itong malinaw na posisyon laban sa prostitusyon na laganap sa buong bansa?
Ang prostitusyon ng mga lalaki at babae ang isang malaking sanhi ng HIV/AIDS.
Ang masama, sakay nang sakay na rin sa paggamit ng condom ang mismong pamahalaan.
Palibhasa, may pera sa prostitusyon at condom at isa nga ito sa mga putahe maging sa turismo ng Pinas!
SIMBAHAN
NANINIWALA tayo na makatutulong pa rin ang simbahan, kahit nagsisiraan sila ukol sa kani-kanilang Diyos, para makontrol ang HIV/ADIS.
Magandang pakinggan ang turo ng mga ito ukol sa magagandang-asal bilang panlaban sa sakit mula sa sex.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post HIV/AIDS, MATH WIZARDS; PROSTITUSYON AT CONDOM appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment