MAYABANG din itong Philippine National Police sa ilalim ng bata ni Pangulong Aquino na si Gen. Alan Purisima. Kasunod ng pagkakaaresto sa mag-asawang Tiamzon na lider-CPP-NPA, sinabi ng PNP na nakahanda ang kanilang puwersa sa posibleng resbak ng kilusan sa Metro Manila. Ang resbak ng mga rebelde ay posibleng isagawa sa anyong pag-ambush sa mga opisyal ng militar at pulisya.
Ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na nahuli sa isang safehouse sa Cebu ay nasa kustodiya ngayon ng PNP sa Camp Crame.
Wala namang masama magyabang kung talagang may ipagyayabang. Pero walang karapatan ang PNP magyabang laban sa mga rebelde. Kasi’y tingnan n’yo ang crime rate sa Metro Manila na lang. Santamariyang ina ng awa! Sunod-sunod ang patayan at nakawan.
Mistula ngang walang pulis sa Metro Manila kung umatake ang mga riding in tandem, eh. Almusal na natin ang makabasa araw-araw ng mga patayan at iba pang krimen sa Kamaynilaan.
Sa Kyusi na lang, parang patay na aso na lang kung itapon ang mga biktima ng salvage. Sunod-sunod din ang mga rape at masaker. Wala pa riyan ang holdapan at karnapan.
Pagkatapos, pagyayabangan pa tayo nitong PNP na nakahanda sila laban umano sa terorismo. Weh?
***
TUWANG-TUWA ang maraming magulang ngayon at sa wakas ay nakapagtapos na sa kolehiyo ang kanilang mga anak.
Dulot ito ng kanilang walang angal na pagpapagal basta mabigyan lang sila ng magandang kinabukasan. Pero matuwa pa rin kaya ang mga magulang kung ang totoo’y wala pa rin palang naghihintay na magandang bukas sa mga bata?
Kasi mga suki, daan libong estudyante ang nagsisipagtapos taon-taon pero marami ang nananatiling jobless. Kaya ang nangyayari, marami ang napipilitang pumasok sa trabaho na hindi naman angkop sa kanilang tinapos. May mga nakilala akong nagtapos ng engineer pero naging construction worker. May mga nagpakadalubhasa sa computer na bumagsak sa call center.
Pero ang mas masakit, may nakilala akong napakagandang dilag na nagtapos ng tourism na napilitang mag-GRO para makapagtrabaho sa Japan. Sa Japan, sinabi niyang mag-aasawa siya ng Hapon na mayaman at maiaahon sila sa kahirapan.
The post HANDA RAW SA TERORISMO, WEH? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment